MATINDING hirap pala talaga ang dinanas nina Jacqueline at Marijoy Chiong, o ang Chiong Sisters, sa kamay ng mga humalay at pumatay sa kanila.

Napanood namin ang advance screening ng Jacqueline Comes Home mula sa Viva Films, na idinirek ni Ysabelle Peach Caparas, sa SM Megamall Cinema 2 nitong Lunes.

Simple at masayang pamilya ang kinalakihan ng Chiong Sisters, nagdadamayan sa isa’t isa at higit sa lahat, maalaga ang mga magulang nila.

At dahil teenager kaya happy go lucky si Marijoy (Donnalyn Bartolome) dahilan kaya lagi siyang napapagsabihan ng mama niyang si Thelma (Alma Moreno). Pero ang ate niyang si Jacqueline (Meg Imperial) ang laging nag-alala sa kanya na ‘tila laging kinakabahan na baka may mangyari.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Hanggang sa napalitan ng takot ang pagiging happy go lucky ni Marijoy, dahil lagi siyang sinusundan at binabantayan ng grupo ni Ryan Eigenmann, na gustung-gusto siya.

Kilala ang grupo ni Ryan sa Cebu na halos lahat ng babaeng magustuhan ay nakukuha nila, pero kapag may ginawang hindi maganda ay binababoy na kasama ang barkada.

At dahil may kasintahan si Marijoy, lalong nag-init nang husto si Ryan na nabuo sa isipan niya na sa anumang paraan ay kailangang mapasakanya ang babaeng minimithi.

Bibitinin namin ang kuwento ng pelikula para mapanood ito ngayong Miyerkules, Hulyo 18, sa maraming sinehan nationwide, at para malaman na rin ng mga nagtatanong kung anong nangyari kay Jacqueline at kung buhay pa ba siya. Hanggang ngayon kasi ay palaisipan pa rin kung nasaan na ang ate ni Marijoy.

Galit ang nararamdaman tiyak ng manonood kay Ryan Eigenmann, pero napakahusay naman talaga niyang aktor, maski yata anong papel na ibigay sa kanya ay sisiw lang niyang nagagawa. Kasi naman produkto siya ng dalawang beterano at mahuhusay na artista na sina Michael de Mesa at Gina Alajar.

Naaliw kami sa anak ni Direk Carlo J. Caparas na si CJ, isa sa mga rapist, dahil hawig daw siya ni Senator Jinggoy Estrada. Tinitigan namin siya, at aba’y oo nga, puwedeng maging double. He, he, he.

Going back to the movie, manang-mana si Direk Peach sa tatay niyang si Direk Carlo J sa paggawa ng pelikula. Kitang-kita ang tatak Caparas, considering na hindi nag-aral ng film ang una dahil Political Science ang tinapos nito, na planong maging abogado, pero nauwi sa pagdidirek.

-REGGEE BONOAN