Nakalabas na ng bansa ang bagyong ‘Henry’, subalit isa pang bagyo ang namumuo sa silangang bahagi ng bansa at posibleng maging bagyo na tatawaging ‘Inday’.

Inalis na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lahat ng storm warning signal sa hilagang Luzon, subalit inihayag na patuloy na makaaapekto ang Henry sa habagat, na maghapong nagbuhos ng ulan kahapon sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan, at Western Visayas.

Magkakaroon pa rin ng manaka-nakang pag-ulan sa bansa, at ang mga nakatira sa mabababa at kabundukang lugar ay pinapayuhang tutukan ang updates ng PAGASA, o makipag-ugnayan sa kanilang lokal na disaster risk reduction and management office sakaling kinakailangang lumikas, dahil na rin sa banta ng baha at landslides.

Nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Henry bago magtanghali kahapon, o nasa 415 kilometro sa kanluran ng Calayan Island, Cagayan. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 45 kilometers per hour (kph).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, sinabi kahapon ng PAGASA na ang low pressure area (LPA) ay namataan kahapon sa 915 kilometro sa silangan ng Aparri, Cagayan at maaaring maging ganap nab ago sa loob ng 36 na oras. Kapag naging bagyo, tatawagin itong Inday.

Kaugnay nito, itinaas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa “blue” ang alert status nito dahil sa mga pag-ulan.

Nagpulong din ang mga kinauukulang ahensiya, sa pangunguna ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director at Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo Jalad.

Kasabay nito, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kasapatan ng relief goods, gayundin ang standby funds, para sa mga posibleng maapektuhan ng bagyo at baha.

May ulat ni Beth Camia

-ELLALYNLYN DE VERA-RUIZ