ITO ang pagpapatuloy ng Commencement Speech na inilahad ko sa 2018 graduates ng University of the Philippines Visayas nitong Hunyo 22, sa Miagao, Iloilo.
Gawing matayog ang pangarap.
Habang nagkakaisip ako ay simple lamang ang aking mga pangarap: Maginhawang buhay, magandang kinabukasan. Subalit hindi ito maituturing na matayog na pangarap. Wala akong interes sa pulitika at sa gobyerno. Hindi ko kailanman inakalang magiging Kongresista ako, Senador, o Pangulo ng bansa.
Nagbago ang lahat nang mag-aral ako sa University of the Philippines (UP) noong 1966. Ang mga taon na ginugol ko sa UP ang nagpabago sa aking buhay dahil nagbigay-daan ito upang bumuo ako ng matayog na pangarap.
Nakilala ko ang mga kaedaran ko na matatayog ang pangarap para maabot nila. Marami sa mga kaklase ko noon ang gustong baguhin ang mundo. Kaya sabi ko sa sarili ko, “ang gusto ko lang baguhin, eh, palakihin ang negosyo namin, samantalang itong mga kaklase ko gustong baguhin ang mundo”.
Alam kong gasgas na ang linyang ito para sa marami, pero ang UP ang nagbigay sa akin ng tiwala sa sarili na may kakayahan akong baguhin ang mundo. Sasabihin siguro ng iba, “ang yabang-yabang ng mga taga-UP!” Pero kung tutuusin, mahalaga ang kaunting yabang sa sarili upang mabago ang mundo!
Ang pakikipaghalubilo ko sa pinakamahuhusay at pinakamatatalino sa bansa ang nagbigay-pahintulot sa akin upang mangarap nang matayog. Naroon pa rin ang kagustuhan kong bigyan ng maalwang buhay ang aking pamilya, pero napagtanto ko na habang sinisikap kong mabigyang-katuparan ito, maaari rin akong magpursige upang bigyan din ng maginhawang buhay ang aking mga kapitbahay, ang aking komunidad, ang aking bansa.
Dito na papasok ang susunod kong punto. Ang mga graduation ay panahon din ng pag-asa. Umasa na ang mga natutuhan ninyo sa UP ay makatutulong upang mapaunlad ang inyong buhay, at ng inyong pamilya. Umasa na ang pagkatao ninyong nahubog ng edukasyon ay sapat na upang makapag-ambag kayo sa pagpapabuti sa mundo.
Pero paano kayo makapagbibigay ng kontribusyon sa bansa? Paano kayo makapagsisilbi sa taumbayan, na siyang inaasahan sa inyo, lalo na dahil nagtapos kayo sa pangunahing unibersidad ng bansa? Huwag na tayong magpaliguy-ligoy pa sa pagsagot sa mga katanungang ito.Isinulat ng ating Pambansang Bayani, si Dr. Jose P. Rizal, sa El Filibusterismo: “Dakila ang isang tao, hindi dahil nakahihigit siya sa kanyang henerasyon, na kahit saan paraanin ay hindi naman posible, kundi dahil natukoy niya kung ano ang kailangan nito.”Isa pang kilalang Pilipino, si Jose W. Diokno ang nagsulat na tungkulin ng kabataan na magkaroon ng “capacity to understand what our people want and say it clearly so that they themselves will see it, and seeing, gather their strength to achieve it.”
Ang inyong maiaambag para sa bayan ay hindi lang sa larangan ng serbisyo publiko. Siyempre, makabubuti kung magsisilbi kayo sa gobyerno at maglilingkod sa tao. Ngunit hindi lamang sa pulitika o sa pamahalaan natin mapagsisilbihan ang taumbayan. Sa ngayon, malawak ang oportunidad sa lahat ng sektor na nangangailangan ng pagbabago: Sa araw-araw na pamumuhay, sa unibersidad, sa lugar ng trabaho, sa komunidad.
Gawin nating mas malinaw. Gusto n’yo ba ng mas maginhawang buhay para sa inyong pamilya? Gusto n’yo bang magsilbi sa bayan? Kung ganoon, dapat kayong magnegosyo! Marami sa inyo ang nakaaalam na ito ay matagal ko nang adbokasiya sa buhay.
Ang pagsabak sa pagnenegosyo ay pagkakaloob ng maraming oportunidad para sa publiko. Nakatutulong ito sa pagbubuo ng kapital. Nagbibigay-daan sa paglikha ng mga trabaho hindi lamang para sa mga negosyante at sa kanilang pamilya, kundi para sa ibang tao. Ang pagnenegosyo ay direktang nagbubukas ng pintuan para sa mas maraming negosyo, mas maraming trabaho, at mas magandang buhay para sa mga Pilipino.
Maraming nagsipagtapos ang nagrereklamo na mahirap humanap ng trabaho sa panahon ngayon kahit pa armado na sila ng diploma. Ang solusyon dito ay ang paglikha ng sariling trabaho at ng pagkakakitaan para sa iba. Magnegosyo kayo!
At ang inyong henerasyon—kayong mga millennials—ay may perpektong sangkap para maging mga negosyante. Ang mga negosyante ay mga taong may malilikot at malikhaing isip. Sila ay masisipag, laging positibo, independent, at determinado na laging magtagumpay. Malinaw nilang inaasinta ang mga nais nila sa buhay, at may kakayahang lumikha ng mga bagong oportunidad. Sa pamamagitan ng innovation, nakatutuklas ng mga bagong bagay ang mga negosyante, mga bagong produkto at serbisyo, na sa kabuuan ay lipunan mismo ang nakikinabang. Alam ko ito mismo, dahil marami akong katrabahong millennials. Mahigit sa kalahati ng mga empleyado namin sa Vista Land ay mga millennial.
Minsan nang sinabi ng dakilang imbentor, si Thomas Edison, na hindi sana siya naging imbentor kung hindi niya naisip ang maaaring maging pakinabang ng iba sa kanyang mga imbensiyon. Sinabi ni Edison: “...I find out what the world needs, then I proceed to invent.” At walang katapusan ang ganitong paraan ng pag-iisip ng mga negosyante.
(Itutuloy)
-Manny Villar