NAG-ABOT ng tulong ang humanitarian team Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief goods at food packs sa mahigit 11,500 pamilya o nasa 57,500 katao na apektado ng mga kaguluhan at pagbaha sa Maguindanao.
Ayon kay Myrna Jo Henry, miyembro ng ARMM Humanitarian Emergency Action Response Team (ARMM-HEART), nasa siyam na local government units (LGUs) na apektado ang nabigyan ng tulong nitong Huwebes at Biyernes.
“The local government relief workers have started distributing the supplementary assistance,” dagdag ni Henry.
Lumikas ang mga pamilyang apektado nang maglunsad kamakailan ang militar ng air at ground assaults laban sa Islamic State-linked Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa mga bayan ng Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan, Datu Salibo, Mamasapano at Datu Paglas, na matatagpuan lahat sa ikalawang distrito ng Maguindanao.
Habang nagsilikas din ang mga sibilyan nang umabot hanggang baywang ang baha sa ilang mga komunidad, dulot ng pagtaas ng tubig sa Liguasan marsh.
Sa pinakabagong ulat ng ARMM-HEART, nasa walong barangay sa Datu Salibo; 12 sa Sultan sa Barongis; 11 sa Rajah Buayan; apat sa Paglat; apat sa Buluan; at anim sa Mamasapano ang dalawang linggo nang lubog sa baha dahil sa pabagu-bagong panahon na nakaaapekto sa probinsiya.
Sinabi naman ni Henry na tinulungan din Army’s 6th Infantry Division ang pamilyang apektado sa paglikas.
PNA