Dahil sa closed circuit television (CCTV) camera, nahuli ang isang umano’y kawatan na tinaguriang “Spider Man” dahil sa husay sa pag-akyat sa mga pagnanakawang bahay sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Nahaharap sa tatlong bilang ng robbery si Joel Reyes, 32, ng Bagong Barrio, ng nasabing lungsod.

Sa kuha sa CCTV ng barangay, dakong 4:00 ng umaga nang makuhanan ang suspek na may sinisipat sa isang bahay sa lugar.

Maya-maya, parang gagamba na umakyat si Reyes sa ikalawang palapag ng bahay ni Cristine Cruz at tinangay ang dalawang cell phone at P10,000 cash.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Umaga na ng malaman ng pamilya Cruz na sila ay ninakawan, kaya nagpunta sa barangay at hiniling na makita ang kuha ng CCTV hanggang sa nakilala si Reyes na kita sa footage nang inakyat at maging nang bumaba sa bahay.

Dahil dito pasado 7:00 ng umaga ay dinakip ng mga tauhan ng barangay si Reyes at nabawi umano sa kanya ang dalawang cell phone nina Cruz, pero hindi na nabawi ang cash.

Nagtungo rin sa barangay ang iba pang mga nabiktima umano ni Reyes na sina Maurine Forcel at Venus Rivera.

Nakuha rin umano mula sa pag-iingat ni Reyes ang iba’t ibang ATM card at credit cards na may iba’t ibang pangalan.

-Orly L. Barcala