LAS VEGAS (AP) – Hindi na aktibo sa boxing si dating five-division world champion Floyd Mayweather, Jr. (50-0, 27 KOs), ngunit nananatiling tumataginting ang salapi ng undefeated boxing champion.

mayweather

Sa pinakabagong ulat na inilabas ng pamosong Forbes, nanguna si Mayweather sa pinakamayamang celebrities sa mundo at nangungunang sports personality sa listahan. Naungusan niya ang actor na si George Clooney.

Naitala ni Mayweather ang US$285 milyon pre-tax na kinita sa nakalipas na taon – halos US$50 milyon ang agwat kay Clooney, co-founder ng tequila company kasosyo ang kaibigang si Rande Gerber.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Pangatlo ang reality star na si Kylie Jenner na may US$166.5 milyon.

Nasibak naman sa Top10 sina rap mogul Sean ‘Diddy’ Combs at singer na si Beyonce, nanguna sa Celebrity 100 sa nakalipas na taon.

Nagretiro si Mayweather noong August 2017 matapos ang pagbabalik boxing para harapin at gapiin si UFC superstar Conor McGregor sa ika-10 round ng kanilang 12-round fight sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Ang naturang laban ang ikalawang pinakamagastos na laban sa kasaysayan ng boxing.

Ipinahayag ng Nevada State Athletic Commission na kumita ang laban sa takilya ng US $55,414,865.79 mula sa nabentang 13,094 tickets at 137 complimentary tickets. Nangunguna ang laban nila ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao noong 2015 na may kinitang US$72,198,500 mula sa nabentang tiket na 16,219.

Naitala naman ng Showtime ang 4.3 million domestic pay-per-view buys, para maging ikalawang pinakamataas na buyrate sa kasaysayan ng pay-per-view. Nangunguna pa rin ang Mayweather-Pacquiao na may 4.6 million buys.

Wala naman sa Top 10 si Pacquiao na kapapanalo pa lamang sa WBA welterweight title.

Narito ang kompletong listahan ng top 10: 1) Floyd Mayweather (US$285M), 2) George Clooney (US$239M), 3) Kylie Jenner (US$166.5M), 4) Judy Sheindlin (US$147M), 5) Dwayne “The Rock” Johnson (US$124M), 6) U2 (US$118M), 7) Coldplay (US$115M), 8) Lionel Messi (US$111M), 9) Ed Sheeran (US$110M) at 10) Cristiano Ronaldo (US$108M).