DAPAT malaman ng mga kongresista na sa tuwing iminumungkahi nilang ipagpaliban ang halalan, naghihinala ang publiko na may masamang rason ito. Sa nakalipas na panahon, ang dahilan ay ang kagustuhang mapahaba ang termino ng mga nakaupong opisyal nang hindi dumadaan sa halalan.

Hindi rin makatutulong kung ang ibibigay na rason para sa “no election” ay upang mapabilis ang pagpapalit ng sistema sa pederalismo sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Konstitusyon. Sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong nakaraang Marso, lumalabas na tanging 27 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nakaaalam ng Pederalismo; at 37% lamang ang nagsabing susuportahan nila ito, laban sa 29% kontra, at 34% walang tugon.

Para sa ating mga mambabatas ngayon, ang pagpapaliban ng eleksiyon para sa pederalismo ay hindi uubra sa mga botanteng nagpapahalaga sa halalan. Nararamdaman ng marami na ito ang tanging panahon at pagkakataon para mapakinggan sila ng mga pulitiko. Tila isang piyesta ang halalan dahil sa malaking pondo sa kampanya na nagbibigay ng pondo para sa maraming aktibidad. At isang sumpa sa mga pulitiko kung ipagpapaliban ang halalan sa anumang rason.

Nariyan din ang Konstitusyunal na rason, kaya kinakailangang idaos ang halalan tulad ng itinakda. Inihahalal ang isang senador para sa anim na taong termino, tatlong taon para sa mga kongresista at hindi na maaaring magsilbi nang lampas sa itinakdang termino, maliban na lamang kung muli silang manalo sa eleksiyon. Kung walang halalan, mawawalan ng miyembro ang Kamara at kalahati lamang ang matitirang miyembro ng Senado.

Sa kanyang mungkahing pagkansela ng halalan sa Mayo, 2019, sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez na sa kasalukuyang schedule ay ang Kongreso, bilang isang Constituent Assembly, ay kinakailangang magdoble-kayod para sa burador na inihanda ng Consultative Committee na itinalaga ni Pangulong Duterte, habang kasabay nito ang pagdinig sa pambansang budget. Pagkatapos nito, sa Oktubre, aniya, maghahain ng kandidatura ang mga mambabatas na nagnanais na muling mahalal. Matapos nito’y panahon na ng Pasko sa Disyembre. At pagpatak ng Enero 2019, magsisimula nang mag-ikot sa buong bansa ang mga kumakandidato. “So how are we going to revise or amend the Constitution? If we want to finish, for me, we need to rethink the timetable.”

Ang Kongreso, sa pagpupulong sa Constituent Assembly, ay kayang-kayang bumuo ng malinaw na plano at mag-organisa para matapos ang paglalatag ng bagong Konstitusyon kung nanaisin nila. Lalo’t malaking bahagi ng trabaho ang natapos na ng Consultative Committee, sa pamumuno ni dating Chief Justice Renato Puno. Anumang pagbabago ay madali na lamang mapagdesisyunan ng Kongreso sa Consultative Assembly, kasama ng malaking bilang ng maka-administrasyong miyembro.

Kayang-kayang aprubahan ang bagong pederal na konstitusyon sa loob ng itinakdang panahon. Mayroon pang sampung buwan simula ngayon hanggang sa kalagitnaan ng susunod na taon. Hindi nito kinakailangan ipagpaliban ang halalan na itinakda ng Konstitusyon sa Mayo 2019.