Ang pagpapabuti sa defense cooperation ng dalawang bansa ang posibleng maging pinakamainit na paksa sa pagpupulong nina President Rodrigo Duterte at Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad sa Putrajaya.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagtatapos ng dalawang araw na pribadong pagbisita ni Duterte sa Malaysia na may kasamang pakikipagpulong sa bagong halal na Prime Minister kahapon.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Roque na posibleng tatalakayin ng dalawang lider ang tungkol sa banta ng Islamic State (ISIS) sa southeast Asian region, partikular na sa Pilipinas, Malaysia, at Indonesia.

“Iyong banta ng ISIS dito sa Pilipinas, Malaysia at Indonesia, kasi ang banta naman diyan eh, talagang hindi lang sa Pilipinas, kung hindi sa buong South East Asia,” ani Roque.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sinabi ng opisyal ng Palasyo na maaaring pag-usapan din ng dalawang lider ang ekonomiya, subalit naniniwala siya na ang pagharap sa mga banta ng terorismo ang pangunahing pinagtuunan nila.

“Well, I’m sure pupuwede rin pong pag-usapan iyan (economy), kasi tayo naman po ay kabahagi ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations),” ani Roque.

“Pero ang tingin ko po ay iyong military cooperation, iyong mga joint training, iyong mga pagbibigay ng armas, dahil nga po dito sa banta ng terorismo dito sa ating rehiyon,” dugtong niya.

Sinabi ni Roque na kahit na mayroong umiiral na joint patrol sa mga baybayin sa Mindanao, maaaring itaas ito sa formal joint military training.

“Oo, tingin ko po iyan ang isa sa mga pag-uusapan,” aniya.

-Argyll Cyrus B. Geducos