SA liturgical calendar ng Simbahan, ang ika-16 ng Hulyo ay mahalaga sapagkat paggunita at pagdiriwang ito ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Mount Carmel. Sa mga misa kahapon sa iba’t ibang parokya ginunita sa mga Misa ang kapistahan. Ngunit ang naging pinakasentro ng selebrasyon ay sa Simbahan sa Broadway Avenue, New Manila, Quezon City. Ang nasabing simbahan ang Natioal Shrine o pambansang dambana ng Mahal na Birhen ng MounCarmel. Pinangunahan ang pagdiriwang ng Kongregasyon o Orden ng mga madre at paring Carmelite. Nagkaroon din ng pagdiriwang sa Minor Basilica ng San Sebastian sa Maynila. Sa nasabing Minor Basilica nakadambana ang orihinal na imahen ng Mahal na Birhen ng Mount Carmel, sa ilalim ng pamamahala ng mga paring Agustinina at Recoletos.
Bukod sa nasabing pagdiriwang sa dalawang simbahan, ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Mount Carmel ay ang araw ng pagdarasal at pagpapakasakit. Hiniling sa pagdarasal ang awa at katarungan ng Diyos sa mga lumapastngan sa Banal na Pangalan ng Diyos, ang mga pumatay at binigyang-katuwiran na ang pagpatay ay ang paraan ng paglutas at paglaban sa kriminaldiad sa ating bansa.
Ang pagdarasal at pagpapakasakit ay ang naging panawagan ng mga Obispong Katoliko para sa mga taong nilapastangan ang Diyos at ng mga pumatay ng kapwa-tao.
Ang panawagan ng mga Obispo ay bahagi ng nilalaman ng pastoral exhortation ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) noong nakaraang linggo, kung saan pinuna ang rehimeng Duterte. Kasama ang pagdakip sa mga tambay at ang mga pagpatay sa giyera kontra droga. Ang pastoral exhortation na may pamagat na “Rejoice and Be Glad” ay inisyu matapos ang 117th plenary assembly nitong nakalipas na linggo. Binasa sa mga Simbahan sa Metro Manila nitong Sabado (Hulyo 14) at Linggo (Hulyo 15). Sa pastoral exhortation, hiniling sa mga Katolikong Pilipino na manatiling matatag sa kanilang bokasyon at misyon at aktibong lumahok para sa kapayapaan--- lalo na sa mga panahong ito ng kadiliman at karahasan, ang pagpatay halos araw-araw na parang karaniwan na lamang at pangkaraniwan na lamang ang panglalait sa social media.
Ang CARMEL ay salitang Hebreo na ang kahulugan ay hardin o halamanan. Sa Tagalog ay Cartmen. Mount Carmel ang itinawag sa Hilagang bahagi ng Palestina na nasa baybayin ng Mediterrenean sea. Sa banal na bundok na iyon (Carmel), sinasabing nanirahan si Propeta Elias bago dumating si Kristo.
Ang unang simbahan ng Mount Carmel ay itinayo noong 80 A.D. na inialay sa pangalan ng Imakuladang Ina ng Diyos. Ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Mount Carmel ay kilala dahil sa brown scapular o kalmen na pinaniniwalaang simbolo ng natatanging proteksiyon at ng paniwalang ang matapat na gumamit ng brown scapular ay nagkakaroon ng masayang kamatayan.
Ibinatay ang paniniwala sa pahayag ni St. Simon Stock, ang pinuno ng mga Catmelite Brothers sa England nang magpakita sa kanya ang Mahal na Birhen noong ika-16 ng Hulyo, 1251, na nagkaloob sa kanya ng kalmen. Lumaganap ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Mount Carmel noong 1726 sa utos ni Pope Benedict XIII.
Nagsimula naman ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Mount Carmel nang dumating sa iniibig nating Pilipinas ang mga paring Agustinian-Recoletos noong 17861, ang simula ng evangelization sa ating bansa. Ang imahen ng Mahal na Birhen ng Mount Carmel ay idinambana sa simbahan ng San Sebastian sa Maynila.
Ang mga madreng Carmelite ay dumating naman sa Pilipinas noong 1923. Nagtayo sila ng monasteryo sa Jaro, Iloilo. Ang nasabing mga madre ay ang naging prayer warrior ng dating Pangulong Cory Aquino habang nagaganap ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 21-25, 1986. Sa kumbento ng mga madreng Carmelite sa Cebu nagtago ang dating Pangulong Cory Aquino habang kainitan ng Himagsikan. Nagbalik siya sa Maynila nang manumpa siyang Pangulo ng Pilipinas sa Club Filipino sa San Juan (lungsod na ngayon) noong Pebrero 25, 1986.
-Clemen Bautista