MAGKAIBA ang resulta ng surveys ng Social Weather Stations (SWS) at ng Pulse Asia tungkol sa approval/satisfaction rating ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Sa SWS, bumagsak ng 11% ang rating ni Mano Digong at naging 45% na lang.
Sa Pulse Asia survey, nagtamo ang Pangulo ng bagong record high na 88% approval/performance rating sa kabila ng mga kritisismo laban sa kanyang administrasyon, partikular ang pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin bunsod ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion) Law.
Nalilito ang mamamayan. Sino ba ang paniniwalaan nila sapagkat hanggang ngayon ay hindi nila batid ang mekanismo o pamamaraan sa pagsa-survey ng SWS at Pulse Asia. Nais ding malaman nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera kung ang umano’y nakapanayam (1,800 katao) ng dalawang survey firm ay tunay na kumakatawan sa pulso at damdamin ng sambayanang Pilipino.
Ako nga hanggang ngayon ay hindi pa nakakapanayam o natatanong ng SWS at Pulse Asia tungkol sa iba’t ibang isyu. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko, baka raw takot lang ang SWS at Pulse kay PRRD at sa mga opisyal niya kung kaya hanggang ngayon ay “good” at “very good” pa rin ang approval/trust rating ng ating presidente.
“Hindi kaya takot lang ang SWS at Pulse Asia sa tunay na paglalahad ng kanilang surveys dahil baka sila balikan ng administrasyon, eksaminin ang mga aspetong pinansiyal, buwis at suriin kung sila ba’y kinomisyon, binayaran ng ilang interesadong tao,” badya ni kaibigan. Tugon ko: “Ikaw ba’y na-survey na. Naghihintay ako rito sa Pasig para tanungin, pero wala kahit isa man lang nagtatanong.”
Pinagsabihan ng Consultative Commission (Concom), sa pamumuno ni ex-Supreme Court Chief Justice Reynato Puno, ang Kongreso na iwasan ang pagtalakay sa NO-EL No Election sa 2019 midterm election. Hindi raw makabubuti ito sa isinusulong na pederalismo ni PRRD dahil baka maghinala ang mga tao na ang federal system ay magiging daan lang upang palawigin ang termino ni PDU30.
Sinabi kasi nina Senate Pres. Vicente Sotto III at Speaker Pantaleon Alvarez na posibleng ma-postpone ang 2019 election kapag napagtibay ang federal system of government. Para kay ex-Senate Pres. Aquiilino “Nene” Pimentel, Jr., miyembro ng Concom, hindi dapat ipagpaliban ang eleksiyon upang maparam ang pangamba ng mamamayan na kaya isinusulong ang pederalismo ay para palawigin ang termino ng pangulo, senador, kongresista, governor, mayor at iba pang local officials.
Nagulat ang mga Pilipino noong Biyernes nang makita at mabasa nila ang nakasabit na mga tarpaulin sa estratehikong mga lugar sa Metro Manila na nagsasaad ng “Welcome to the Philippines, Province of China”.
May mga nagsasabing matinding sampal ito sa administrasyon sanhi umano ng pagsasawalang-kibo sa pag-ookupa at militarasisyon ng China sa West Philippine Sea gayong nanalo tayo sa Arbitral Court sa Netherlands. Gayunman, sa mga survey, lumalabas na higit pa rin ang tiwala ng mga Pinoy sa US kaysa China at Russia.
-Bert de Guzman