Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang deployment ng dalawang police escort para kay Senator Antonio Trillanes IV, matapos niyang igiit na hindi ipinag-utos ng Malacañang ang pagbawi sa security personnel ng senador.

Ayon kay Albayalde, ang pagbabalik sa dalawang police escort ni Trillanes ay para lamang sa temporary basis, habang nagsasagawa ang pamunuan ng PNP ng “comprehensive review” sa deployment ng mga tauhan ng Police Security and Protection Group (PSPG).

“There’s no order. There is really a process there. There’s an expiration of the detailing of police escorts to VIPs (Very Important Persons) and elected officials,” sabi ni Albayalde.

Ang tugon ni Albayalde ay kasunod ng pagbubunyag ni Trillanes nitong Biyernes na binawi na lang basta ang kanyang mga police at military escort, na nagbunsod ng mga espekulasyon na maaaring ang senador ang maging susunod na target ng mga pamamaslang.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Giit ng mga kritiko, binawian din ng mga police escort si Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili bago ito pinatay nitong Hulyo 2.

Ilang halal na opisyal na ang pinaslang simula noong Hulyo 2016, at ang ika-15 sa kanila ay si Sapa- Sapa, Tawi-Tawi Vice Mayor Al Rashid Mohammad Alih, na pinatay sa Zamboanga City.

Nitong Sabado, binaril sa mukha at bantay-sarado ngayon ng mga pulis sa ospital ang dating bise alkalde ng Sto. Tomas, Batangas na si Ferdinand Ramos.

Si Trillanes ang marahil ay pinakakilalang kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Albayalde na maaari namang maibalik ang mga police security escort ni Trillanes kung ire-renew ang letter order sa PNP.

“If expiration of security details lapses, they may have to be renewed through a letter order to provide security,” sabi ni Albayalde. “But of course, it will still undergo process.”

-AARON B. RECUENCO