SA mga pangunahin at matrapik na kalye sa Metro Manila, bumulaga sa mga motorista nitong Huwebes ang mga tarpaulin na may nakasaad na, “Welcome to the Philippines, PROVINCE OF CHINA.” Naka-display ang mga ito sa mga footbridge sa Commonwealth Avenue at Quezon Avenue sa Quezon City at sa C-5 Road malapit sa Ninoy Aquino International Airport, sa Pasay City. Itinaon ito sa ikalawang anibersaryo

ng pagkapanalo ng bansa laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa Hague hinggil sa karapatan at kapangyarihan sa West Philippine Sea.

“Ang naglabas ng mga banner na ito ay mga baliw, traydor at hindi makabayan. Kung hindi sila baliw, bakit nila sasabihin ito. Ok lang kung laban sila sa Pangulo o sa kanyang mga polisiya, pero ang hindi mo igalang ang bansa, ito ay kabaliwan,” ito ang naging reaksiyon ng Malacañang, sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Gigil na, aniya. Sino kaya ang hindi gumagalang sa bansa? Iyon bang balewalain mo at isantabi ang kumpirmadong karapatan mo bilang bahagi ng iyong bansa ay hindi ba kabaliwan at katrayduran? Matatawag ka bang makabayan kung hinahayaan mo na ang tinalo mo sa usaping pagmamay-ari ng iyong bansa ay makinabang nito? Higit sa lahat, makabayan ka ba kung sa kapakinabangan ay gawin itong bodega ng mga sandatang pandigmaan laban sa iyo at sa mga ibang bansa?

Dalawang bagay ang maaari kong ipakahalugan sa nagsulputang mga tarpaulin. Puwedeng ang layunin ng mga nasa likod nito ay ipagunita sa ating mga Pilipino na ang pinag-aagawang West Philippine Sea ay atin. Kinumpirma ito ng samahan ng mga bansa sa pamamagitan ng Permanent Court of Arbitration. Kung hindi ito ang hangarin, bakit nila ito ginawa noong Hulyo 12? Eh, noong Hulyo 12, 2016, iginawad ng Permanent Court of Arbitration ang desisyon na pabor sa ating bansa. Isa pa, nais ng mga may pakana nito na ipagduldulan ito kay Pangulong Duterte. Kasi, ayaw niyang gamitin ang desisyong ito sa patuloy na panghihimasok ng China sa ating teritoryo hanggang sa natayuan na nito ng mga pandigmaang-istruktura.

Eh, marunong din pala matakot ang Pangulo. “Ano ang gusto ninyo, ang giyarehin ko ang China, mamatay lang mga sundalo ko”. Ito ang palagi niyang katwiran. Akala natin napakatapang niya dahil noong nakaraang kampanya, ipinangako niya sa taumbayan na mag-iiski siya patungo sa pinag-aagawang teritoryo at mag-isa niyang itatanim doon ang ating bandila. Bakit hindi niya ito gawin at huwag isama ang mga sundalo kung natatakot siyang mamatay ang mga ito? Pero, hindi na kailangang makipagdigmaan upang pangibabawin mo ang balido at kumpirmado mong karapatan. Makialyansa ka sa mga bansa, lalo na iyong maaapektuhan sa ginawa ng China, sa pagpoporma ng malakas na world opinion na mabisa ring paraan laban sa mga umaabusong bansa. Kaya lang, baka ipakahulugan ng Pangulo sa mensahe ng mga tarpaulin na kinakatigan ng mga nasa likod nito ang sinabi niya na, “Kung gusto niyo, gawin niyo na lang kaming province, Philippine province of China, eh ‘di wala ng problema.”

-Ric Valmonte