NAKATAKDANG magpulong ngayong araw sina United States President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin sa Helsinki, Finland.
Kung sakaling naganap ang pagpupulong noong Cold War- simula nang matapos ang Ikalawang digmaang pandaigdig noong Abril, 1945, hanggang sa paglusaw ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR) noong Disyembre, 1991—tiyak na tututukan ng buong mundo ang pag-uusap, lalo’t sangkot dito ang dalawang pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo na mayroong libu-libong nukleyar na armas na nakatutok sa isa’t isa at sa kaalyado nitong mga bansa. Ngunit nagbago na ang panahon at ang pakikipagkita ni Trump kay Putin ngayong araw ay hindi na masyadong nakikitaan ng mataas na interes, tulad ng pakikipagpulong kay Xi Jinping ng China o sa mga pinuno ng G7 ng Europa, o maging ang pakikipagkita kay North Korean Leader Kim Jong-Un.
Ang pagpupulong ngayong araw sa Helsinki ay nagbibigay ng mas malaking kahalagahan at implikasyon para sa mga opisyal at pulitiko ng Amerika dahil sa kasalukuyang imbestigasyon ng isang espesyal na konseho hinggil sa umano’y pakikialam ng mga Ruso sa ginanap na pambansang halalan ng US noong 2016. Inaakusahan ang Russia ng pagtulong umano kay Trump upang manalo sa eleksiyon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga impormasyon kontra sa nakatunggaling si Hillary Clinton.
Nasasangkot din sa sigalot ang US at Russia sa pitong taong digmaang nagaganap sa Syria, kung saan sinusuportahan ng puwersang militar ng Russia ang nasabing bansa laban sa mga rebelde, habang ang ilan umano ay inalalayan ng US. Pinatawan din ng US ang Russia ng economic sanction hinggil sa annexation ng Crimea noong 2014 at sa pagsuporta nito hanggang ngayon sa mga grupong kumakalaban sa pamahalaan ng Ukraine.
Nanawagan si Trump ng maayos na ugnayan sa Russia subalit ang gobyerno ng US, sa pangunguna ng Kongreso nito, ay muling nagpataw ng bagong parusa kontra sa Russia. Ang parusang ito ang inaasahan ni Putin na matatanggal sa pakikipagpulong niya ngayong araw kay Trump.
Maaaring hindi na kasing lakas tulad ng dati ang Russia, na kayang sirain ang buong mundo gamit ang sariling nukleyar na armas, ngunit nananatiling malaki ang impluwensiyang pang-ekonomiya nito dahil sa malaking reserba ng langis. Ito rin ang nasa likod ng nagpapatuloy na lakas ni Syrian President Bashar al-Assad. Kaya naman inabot na ng pitong taon ngayon ang digmaan sa Syria.
Kung ang pagpupulong ngayon araw nina Trump at Putin ay hahantong sa pagtatapos ng digmaan sa Syria, na nagdulot ng malawakang paglikas ng mga tao mula sa Gitnang Silangan patungong Europa, magiging malaking tagumpay ito para sa dalawang pinuno at isang malaking hakbang tungo sa kapayapaan ng mundo.