KASALUKUYANG nagsasanay ang nasa sampung miyembro ng New People’s Army (NPA) para sa kursong organic agriculture production sa Palawan, bilang bahagi ng kanilang amnestiya sa ilalim ng Local Social Integration Program (LSIP) at ng pagpapatuloy ng pangakong matulungan silang muling makabalik sa lipunan.

Ibinahagi ni Lucita Padul, social welfare officer III ng Palawan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), nitong sabado na layunin ng pagsasanay sa Organic Agriculture Production (OAP) NCII na makamit ang tunguhin nitong maibigay sa dating mga rebelde ang kakayahan at abilidad sa organikong pagsasaka upang maiangat ang buhay ng kanilang mga pamilya matapos ang kanilang pagbabalik mula sa pakikipaglaban.

“Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang ibang ahensiya ng pamahalaan ang pagtataguyod ng kapakanan ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan o rebel returnees sa pamamagitan ng LSIP na ipinapatupad sa ilalim ng PSWDO,” ani Padul.

Ang OAP NCII ay binubuo ng mga pagsasanay na kinakailangang makamit tungo sa produksiyon ng organic farm products, tulad ng mga manok at gulay, kabilang ang produksiyon ng organikong suplemento, tulad ng mga pataba (fertilizer), concoction, at extract.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa pagtatapos ng kurso, makakatanggap ang mga kumuha ng ‘OAP NCII qualification,’ bilang patunay na natapos nila ang pagsasanay sa paggawa ng mga organic supplement o pataba.

Ayon kay Padul, bahagi rin ng kurso ang ilang lektura tungkol sa ‘drug abuse prevention’ na pangungunahan, aniya, ng mga pulis sa probinsiya.

Bukod sa pagsasanay, makakatanggap din ang mga nagbalik-loob ng counselling, pangkain, tirahan, tulong sa edukasyon, at maging tulong na pamasahe.

“Ang mga ganitong aktibidad ay bahagi lamang ng pagtataguyod ng programa upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga former rebels,” dagdag pa niya.

Giit ni Padul, seryoso ang administrayon ni Palawan Governor Jose Alvarez na gawing aktibong miyembro ng ‘community partners for change’ ang dating mga rebelde.

Umaasa naman sila na ang ibinibigay nilang suporta sa mga nagbabalik-loob ay makakatulong upang mahikayat na sumuko nang mapayapa ang iba pang miyembro ng NPA.

PNA