MAPANGAHAS ang unang pelikulang idinirek ni Ysabelle Peach Caparas, anak ni Direk Carlo J. Caparas at ng yumaong si Donna Villa, dahil tungkol ito sa magkapatid na sina Marijoy at Jacqueline Chiong na ni-rape saka pinatay noong July 16, 1997, sa Cebu. Saktong 21 years na ang krimen ngayong araw.

Direk Peach, Donnalyn at Meg copy

Sensitibo ang kuwento ng Chiong sisters, na ilang buwang pinag-usapan sa buong Pilipinas at hanggang ngayon ay nababanggit pa rin kapag may mga balitang konektado rito.

Paano napapayag ang pamilya ng mga biktima na isapelikula ito ng Viva Films? Gumanap na Chiong sisters sina Donnalyn Bartolome at Meg Imperial.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ayon kina Donnalyn at Meg, hindi nila nakausap ang Chiong Family, dahil si Direk Carlo lang ang kausap ng pamilya.

“I’m interested to know what happened to the family after the incident. “Sayang nga we didn’t get to meet them. Si Direk Carlo Caparas lang ang kinakausap ni Mrs. Chiong, who gave her official permission for the movie to be done,” sabi ni Meg.

Gagampanan ni Meg ang karakter na Jacqueline, habang si Donnalyn naman ang gaganap sa papel na Marijoy. Apat na taong gulang lang si Meg at three years old naman si Donnalyn nang mangyari ang karumal-dumal na krimen.

Nabanggit din ni Meg na nang in-offer at natanggap niya ang role bilang Jacqueline ay nag-research siya tungkol sa kaso.

Napag-usapan na may ganitong pelikula ring ginawa si Direk Toto Natividad noong 2004 na may titulong Animal, at ginampanan nina Via Veloso at Pyar Mirasol. Pero hindi raw mga pangalan ng Chiong sisters, ang ginamit dahil walang pahintulot ang Chiong family.

“Kami, may cooperation ng Chiong family. Our names are really the names of the victims, Jacqueline and Marijoy,” sabi ni Meg.

Tinanong namin kung nahirapan silang gawin ang rape scenes.

“Very maingat po si Direk Peach regarding sa rape scene, dahil baka hindi maaprubahan ng manonood (Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB). While doing that, we realize na how painful po talaga ‘yung pinagdaanan ng magkapatid nu’ng nangyari iyon. As for me as Jacqueline I’m very protective with my sister (Marijoy),” kuwento ni Meg.

“Ilang beses na akong na-rape sa movies, so sanay na ako,” natawang dagdag pa ni Meg. “The scene was one long take kaya mahirap siya. But napansin ko, the rapists, led by Ryan Eigenmann, parang hirap o nahihiya silang hawakan ako. So ako pa’ng nagsabi sa kanila, ‘sige lang, do what you need to do para maging convincing ang eksena at para maramdaman ko. Konting higpit para matakot ako sa inyo kasi masyado kayong mabait’. Kasi it helps ‘yung pain at hindi biro ang rape.”

Kasama rin sa pelikula bilang rapist ang isa pang anak ni Direk Carlo na si CJ Caparas.

Nabanggit din na hindi lumabas ang boobs ni Meg sa movie.

“Wala, manang ako rito. For a change, ha, ha, ha,” aniya.

Wala ring daring scenes si Donnalyn sa Jacqueline Comes Home (The Chiong Story), dahil sa panahong iyon ay mga manang pa ang mga kadalagahan.

Gaya ni Meg, sinabi rin ni Donnalyn na nagsabi siya sa rapists sa eksena na wala siyang limitations.

“Sabi ko po, mas maganda kung makatotohanan. Kasi kung lilimitahan, parang lalabas na hindi totoo. Pero kahit ganun po ang sinabi ko sa kanila, Kuya Ryan still care pa rin po sa rape scenes namin,” sabi ni Donnalyn.

Pang-best actress ba ang acting ni Donnalyn sa pelikula? “Sana po,” sagot niya.

Marami nang naitalang rape cases matapos makipagkita ang babae sa naka-chat lang sa Facebook. May payo sa kanila si Meg.

“Dapat po talaga maging maingat. You have to double check kung sino ba talaga at kung ‘yung picture (profile) nilang nakikita ay iyon ba talaga? Kasi ‘yung mga nasa paligid nga natin o kilala mo na may ginagawa pang something bad to you, eh, ‘di lalo na ‘yung hindi mo kilala,”ani Meg.

“Same rin po ng sinabi ni Ate Meg, at saka dapat alam ng family o ng friends mo kung nasaan ang whereabouts mo, kasi hindi mo mapipigilan ang mga bagay na mangyari sa ‘yo. Ako po kapag lumalabas, nagsasabi po ako sa family ko. Saka dapat sa maraming tao ka pupunta hindi sa halos walang tao,” sabi naman ni Donnalyn.

Habang nagkukuwento ang dalawang bida ng Jacqueline Comes Home (The Chiong Story) ay iniisip namin kung anong ibibigay na rating ng MTRCB sa pelikula, na showing na sa Miyerkules, Hulyo 18, mula sa Viva Films.

Tampok din sa pelikula sina Joel Torre at Alma Moreno, sa papel na Dionisio at Thelma bilang mga magulang ng Chiong sisters.

-REGGEE BONOAN