SA panahon na matindi ang banat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahang Katoliko at maging sa mga pari, isa sa hindi malilimot ng ating mga kababayan ay nang sabihin niyang, “God is stupid”. Ito ang ipinahayag niya sa kanyang talumpati sa Davao City noong Hunyo 22, 2018.
Iba-iba ang reaksiyon ng ating mga kababayan sa nasabing pahayag ni Pangulong Duterte. Ang mga madasalin ay napatingala sa langit at napa-sign of the cross at sinabing, “Susmaryosep, ang ating Pangulo, pati Diyos ay hindi na niya iginagalang. Patawarin sana siya ng ating Panginoon”. May nagdasal naman ng, “Mahal na Birhen ng Antipolo, bigyan mo po ng liwanag ng isip ang aming Pangulo”.
Marami naman ang nagkakaisa sa pagsasabing ngayon lamang sila nakarinig na ang Diyos ay tinawag na “stupid” at ang nagsabi pa nito ay ang ating Pangulo. Nanindig umano ang kanilang mga balahibo. Huwag sana raw parusahan ng Diyos ang ating Pangulo. May mga nagtanong naman na iba raw ba ang Diyos ng Pangulo?
Nanawagan naman ang mga Obispo na magdasal nang tatlong araw at mag-ayuno para sa mga taong nilalapastangan ang Diyos. At sa bahagi ng pastoral exhortation ni Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hiniling niya na ang mga mananampalataya ay manatiling mga “peacemakers”.
Bukod sa nabanggit, hiniling din ng Archbishop Valles na sa Hulyo 16, kapistahan ng Mahal na Birhen ng Bundok ng Carmelo, ay mag-ukol ng mga panalangin at sakripisyo at hilingin ang awa at katarungan ng Diyos para sa mga taong nilapastangan ang Banal na Pangalan ng Diyos, sa mga bulaang saksi, sa mga pumatay at sa mga binibigyang-katwiran na ang pagpatay ay isang paraan ng paglutas sa kriminalidad sa ating bansa. May mga kababayan naman tayo na humiling kay Pangulong Duterte na mag-sorry sa Diyos.
Nitong Hulyo 9, Lunes, ay nakipag-usap si Pangulong Duterte kay Valles ilang oras matapos manawagan ang mga lider ng Simbahang Katoliko na ipagdasal ang mga taong nilalapastangan ang Diyos at pumapatay ng kanilang kapwa-tao. Nagresulta ang pag-uusap nina Pangulong Duterte at Valles sa pagkakaroon ng “moratorium” ng mga pahayag laban sa Simbahan.
Matapos mabatid na marami ang nagalit sa kanya, humingi ng paumanhin ang Pangulo. Ang paghingi ng paumanhin ay sinabi ni Bro. Eddie Villanueva, pinuno ng Jesus Is Lord movement noong Hulyo 10, Martes ng gabi, nang mag-meeting sila ni Pangulong Duterte sa Malago Clubhouse sa Malacañang Park. Dumalo sa meeting si Presidential Special assistant Bong Go; Atty. Angelino Villanueva, kapatid ni Villanueva; at Atty. Salvador Panelo, legal counsel ng Malacañang.
Sa paghingi ng paumanhin, ganito ang sinabi ng Pangulo: “If we have the same God, I’m sorry, that’s how it is. Sorry God, I said, sorry God---if God is taken in a general term by everybody listening, then, that’s well and good”. Ayon pa sa Pangulo, sa Diyos lamang siya humihingi ng paumanhin. Kung siya’y nagkamali, malulugod ang Diyos na siya’y pakinggan sapagkat ang kanyang Diyos ay nagpapatawad.
-Clemen Bautista