NA-CURIOUS kaming panoorin ang I Love You, Hater nina Ms. Kris Aquino, Julia Barretto at Joshua Garcia, kahit last full show na, matapos naming mabasa ang post ni Kris sa kanyang Instagram tungkol sa reaksiyon ng neighbour niya na nakapanood na ng movie, na idinirek ni Giselle Andres.

Kris Aquino

“I watched ILY, Hater! Last night & I just wanted you to know how thankful I am that I did. My fave part: the scene with you, Joshua and your dad in the movie. We cried buckets, it’s such a beautiful reminder especially to us millennials that even if we think our parents don’t see what we can offer, our efforts etc, deep inside they really do. #lovelovelove.”

Tampok sa nasabing eksena sina Kris (Sasha), Ronaldo Valdez (Cesar), at Joshua (Joko). May Alzheimer’s si Cesar at hindi na nakikilala ang anak na si Sasha. Ang natatandaan lang niya ay ang isa pang anak na si George. Sa eksenang magkakaharap ang tatlo ay nilapitan at niyakap ni Cesar si Joko sa pag-aakalang iyon ang anak niyang si George.

Matapos makaharap si Marian: Sassa Gurl, na-realize 'di siya perpektong tao

“Ayan po si Sasha, na mahal na mahal kayo,” sabi ni Joko kay Cesar.

“Hindi naman siya si Sasha, hindi na niya ako naalaala. Pero mahal ko iyon. Kaya sabihan mo siya na magpahinga naman, trabaho lamang siya nang trabaho,” sagot ni Cesar.

Naririnig ni Sasha ang lahat, na tuluy-tuloy ang pag-iyak.

“May nagsabi nga po sa akin na magpahinga naman ako sa pagtatrabaho,” ani Sasha.

“Sino ang nagsabi sa ‘yo?”

“Si Cesar po.”

“Uy, kapangalan ko pa, guwapo rin ba siya?”

Hindi na nagsalita si Sasha at niyakap na lang si Cesar saka umiyak nang umiyak. Malaki rin kasi ang sama ng loob ni Sasha sa ama dahil hindi nga siya nito nakikilala at naalaala.

Sa loob ng sinehan, kung magulo ang mga manonood sa mga kulitan nina Joshua at Julia bago ang eksenang iyon nina Kris, biglang tumahimik sila. May mga nagpapahid ng luha, kaya tiyak na kung ang manonood ng I Love You, Hater ay may ganitong karanasan sa kani-kanilang pamilya, tiyak na makaka-relate sila at maiintindihan nila ang pinagdadaanan ng mga pamilyang may miyembro na apektado ng nasabing sakit.

Congratulations sa buong cast ng movie. Isa itong eye-opener sa mga manonood, lalo na sa mga millennials, na nagpapatunay na kung magiging true lamang sila sa lahat ng ginagawa nila ay maraming blessings ang kapalit nito.

Nabigyan ng Grade B ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang I Love You, Hater, na showing na sa 240 cinemas nationwide, plus maraming block screenings, at magkakaroon din ito ng international screening very soon.

Sa ngayon ay nasa Hong Kong si Kris at nagsu-shoot para sa brand partnership niya sa Cathay Pacific. Nagpasalamat siya sa lahat ng nanood na at manonood pa ng kanilang movie, ang muli niyang pagsabak sa paggawa ng pelikula makalipas ang mahabang panahon.

-Nora V. Calderon