NAGHARAP at nagpulong ang pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) upang pag-usapan ang kanilang lagyunin at plano sa pagahahanda para sa kampanya ng bansa sa nalalapit na 18th Asian Games sa Indonesia sa susunod na buwan.

Ito ay sa kabila ng pagpapalitan ng magkakaibang reaksyon nitong nakaraang linggo hinggil sa paghahanda ng magkabilang pamunuan.

Mismong si Chef de Mission Richard Gomez ang siyang nagtungo sa tanggapan ng PSC sa Rizal Memorial Sports Complex kamakalawa upang makipag pulong bilang kinatawan ng POC, kasama ang kanyang deuty na si Robert Bachmann.

“Let us put aside what we saw on the news the past weeks,” ayon sa aktor na ngayon ay isang pulitiko na rin na si Gomez. “Please know that my stand is always for the good of our athletes. Atleta din ako noon,” dagdag pa niya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa panig ng PSC, ay naroon naman sina commissioner at officer in charge na si Arnold Agustin at Charles Maxey  kung saan sinabi ng una na handa ang ahensiya na suportahan ang delegasyon ng bansa.

“Both the PSC and the POC wish the same thing – that we be able to send a good team and support them the best way we can, our focus are our athletes,” ani Agustin.

Kaugnay nito sinabi ni Arturo Aro ng POC na maari pang maragdagan ang unang listahan ng 335 delegasyon na dadalhin sa Indonesia bilang kinatawan ng bansa sa Asiad.

Kasabay nito, ay posibleng magkaroon ng isang send off ceremony sa Malacanang ang siyang isinasaayos ngayon bago ang pagsabak ng mga atleta sa nasabing quadrennial meet.

-Annie Abad