Matapos mabigo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa panukalang isailalim sa drug test ang mga mag-aaral sa elementarya, hinihiling naman nito na ituloy ang drug testing para sa high school at college students.
Ito ang ipinahiwatig ni PDEA chief Director General Aaron Aquino sa Department of Education (DepEd) nang makipagpulong siya sa mga DepEd officials, kamakailan.
“Before the meeting ended, sinabi ko baka pwede naman nilang pagbigyan na lang na magkaroon ng mandatory drug test ang secondary and tertiary, kahit ‘yun na lang muna,” sabi ni Aquino.
Ang sistemang random drug testing sa mga estudyante ay hindi epektibo dahil “hindi mo natutukoy o tinatamaan ang dapat i-drug-test,” aniya.
Mahigit kalahati ng mga menor de edad na naaresto dahil sa ilegal na droga ay mga estudyante, ayon sa PDEA.
Dagdag pa ni Aquino, nasa Kongreso ang desisyon kung ipatutupad ang drug testing sa lahat ng estudyante dahil kailangan nitong amyendahan ang RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakasaad sa batas na, “Students of secondary and tertiary schools shall, pursuant to the related rules and regulations as contained in the school’s student handbook and with notice to the parents, undergo a random drug testing.”
-FER TABOY