“SA pagbabago ng porma ng ating gobyerno sa pederalismo, ako ay bababang Pangulo, pero ang hahalili sa akin na mamumuno ng bansa sa panahon ng pagpapalit ay ihahalal ng bayan. Hindi handa si Robredo na pamahalaan ito dahil wala siyang kakayahan,” wika ni Pangulong Duterte.

Natapos na ng Consultative Assembly ang draft ng Saligang Batas na ginawang pederal ang uri ng pamahalaan kung saan nagsasaad ito ng transition. Ayaw umano ng Pangulo na manatili siya sa pwesto sa panahon ng pagbabago. Kaya, gusto niya na maghalalan, dahil sa ilalim ng papalitang Saligang Batas, si Bise Presidente Leny Robredo ang hahalili sa kanya kapag siya ay nagbitiw. Eh ayaw niya itong mangyari dahil incompetent daw si Robredo. Bumalik na naman tayo sa panahon ng martial law. May mga insidenteng nangyari sa panahon ng martial law na naranasan at nararanasan natin ngayon, kabilang na itong hinihiling ng Pangulo para sa magiging kapalit niya.

Nang maobliga si dating Pangulong Marcos na tumawag ng snap elections upang mapalabas na may suporta pa sa mamamayan ang kanyang pamumuno, ang sumulpot na kandidato para labanan siya ay si dating Pangulong Cory Aquino. Minaliit ni Marcos si Cory, tulad ng ginawa ngayon ni Pangulong Digong kay VP Robredo. Pambahay lang at wala daw nalalaman si Cory. Nanalo si Marcos sa snap elections, pero katakut-takot naman ang dayaan. Ito ang nagpasiklab sa taumbayan na may kimkim na poot kay Marcos dahil sa kaapihan at kawalan ng katarungan sa ilalim ng kanyang diktadurang pamamahala. Buong lakas nilang inilunsad ang People Power na siyang gumiba sa animo’y hindi na matitinag na moog ng diktador. Ayaw ni Marcos na bumaba sa puwesto at ayaw din niyang maging kapalit si Cory, pero, sa pwersa ng mamamayan, ang ipinalit sa kanya ay si Cory.

Ang pagkakaiba ni dating Pangulong Marcos kay Pangulong Digong ay hindi ito nanlalait, kahit malupit. Nakikipagtagisan siya sa mga kumakalaban sa kanya, isyu bawat isyu. Kaya lang, iba iyong kanyang sinasabi sa nakikita at nararamdaman ng taumbayan. Samantalang si Pangulong Digong, malupit na, nang-iinsulto pa. Hindi pa niya maiwasang gawin ito pati sa Panginoong Diyos.

Nagdusa rin naman ang mamamayan sa mga nakaraang administrasyon. Nagutom, ninakawan at inapi. Pero, hindi lang ganito ang dinaranas nila ngayon, pinapatay pa sila. Ibang uri ang pagpatay at mga pumapatay. Puwedeng pagtiisan ang kagutuman, pero hindi ang kalupitan at kawalan ng katarungan. Sa ganitong kalagayan natagpuan ng mamamayan ang sistema sa bansa noon, kaya isinulong ang People Power, saka namili ng bagong lider na papalit sa nagpahirap sa kanila. Sila ang nagsabi na kuwalipikado ito sa pamantayan na magmamahal sa kanila at sa Diyos.

-Ric Valmonte