SINIMULAN ni Pangulong Duterte ang kanyang administrasyon noong Hunyo 2016, kasama ang napakataas na grado sa pambansang survey na isinasagawa kada tatlong buwan ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia. Hindi nagbago ang gradong ito ng survey kasabay ng kanyang pagkapanalo sa halalan. Sa simula, katulad ng lahat ng mga nagdaang administrasyon, mataas ang pag-asa at ekspektasyon ng lahat.
Nakakuha ang Pangulo ng napakataas na rating sa +79 noong Hunyo, 2016. Patuloy na naglaro sa pitumpong puntos ang kanyang mga sumunod na survey, maliban sa isang +60 noong Setyembre, 2017, ngunit muli itong nakabawi sa +75 noong Disyembre, 2017.
Sa unang survey ngayong taon, na isinagawa nitong Marso, bumaba sa +56 ang trust rating ng Pangulo ayon sa SWS. At nitong Hunyo, makalipas ang tatlong buwan, muli itong bumaba sa +45. Ngunit sa pinakabagong tala (ang resultang 65 porsiyento ng mga sumagot sa survey na kuntento sa trabaho ng Pangulo, minus sa 20% hindi kuntento), nananatili itong “good” base sa taya ng SWS.
Lahat ng nagdaang pangulo ay nagsimula sa mataas na grado na unti-unting bumaba sa paglipas ng panahon. Samakatuwid, ang pinakabagong pagbaba ng grado ni Pangulong Duterte ay hindi na dapat pang ipangamba. Mismong ang Pangulo ay walang pakialam kung bumaba man ang kanyang grado. Sinabi ng kanyang tagapagsalita, si Harry Roque, na ang bagong grado na +45 ni Pangulong Duterte ay mataas pa rin kung ikukumpara sa tatlo nitong sinundang pangulo sa ikalawang taon ng kanilang panunungkulan—si Pangulong Joseph Estrada, na may +5 noong Marso, 2000; si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na may +6 noong Nobyembre, 2002; at si Pangulong Benigno Aquino III, na may +42 noong Mayo, 2012.
Gayunman, maaari itong magamit ng mga opisyal ng administrasyon upang malaman ang dahilan ng pagbaba ng grado, para sa posibleng mensaheng nais iparating ng mga tao sa kanilang mga pinuno. Ipinapakita ba nila ang takot at pangamba sa patuloy na paghihirap ng maraming tao na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, o sa maraming insidente ng pagpatay na hindi lamang ipinagpipilitang – “nanlaban,” hindi na lamang mga suspek sa krimen ngunit ngayon, pati na rin ang mga alkalde at bise alkalde at mga pari, o kaya naman ay ang masamang pananalita ginamit sa pagpapalitan ng mga akusasyon sa opisyal ng mga relihiyon?
Maaaring maganda ang ginagawang aksiyon ng mga pinuno ng ating bansa para sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya, subalit hindi nila dapat kalimutan na pakinggan ang kanilang mga nasasakupan. Tulad ng sinabi ng dakilang si Mahatma Gandhi, “There goes my people. I must follow them, for I am their leader.”