NOON, malimit sabihin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na sakaling siya ay madisgrasya sa malimit na pagsakay sa eroplano pa-Davao City at pa-Maynila, naririyan naman si Vice President Leni Robredo na papalit sa kanya.
Sa mga pagtitipon o okasyon sa Camp Aguinaldo, matapos sulyapan ang maputing binti ni VP Robredo, sasabihin niya sa harap ng mga sundalo na si Leni ang makakapalit niya sakaling may mangyari sa kanya.
Ngayon, iba na ang tono ng Mano Digong. Hindi raw siya bababa sa puwesto kapag napagtibay ang sistemang pederal sa bansa sa 2019 sapagkat hindi niya ibibigay ito kay beautiful Leni. Batay sa Constitution na umiiral ngayon, sakaling ang Pangulo ay namatay, nagkasakit nang malubha (incapacitated) o nagbitiw, ang constitutional successor ay ang Bise Presidente.
Samantala, tinanggap na ni VP Leni ang pagiging lider ng united opposition. Dahil dito, ilang oras ng kanyang pagtanggap para pamunuan ang oposisyon, inihayag ni Pangulong Duterte na hindi siya magbibitiw sapagkat ayaw niyang ipagkaloob ang poder kay Robredo. Ito marahil ang dahilan kung bakit nag-iba ang kanyang tono at ayaw niyang si Leni ang makapalit niya.
Badya ni PRRD: “Hindi ako magre-resign dahil magiging presidente siya. Ang pagbibitiw ko ay patungkol (addressed) sa mga tao upang makapili sila ng lider na gusto nila. Palagay ko, hindi pa siya handa para pangasiwaan ang bansa.” Dagdag pa niya: “Ang dahilan? Wala siyang kakayahang patakbuhin ang bansa, ang Pilipinas.”
Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Paano niya nalamang walang kakayahan si Robredo na pamahalaan ang ating bansa? Bakit, meron bang monopolya ang isang pulitiko sa pagrenda sa gobyerno at pagpapatakbo sa bansa?
Ilang araw lang matapos pumayag si PRRD na mananahimik at hindi babatikusin ang Simbahang Katoliko matapos makipagpulong kay Davao Archbishop Romulo Valles, ang CBCP president, binantaan niya ang religious leaders na huwag gamitin ang pulpito sa pagbatikos sa kanya. Sinabi rin niya na ang kanyang Diyos ay hindi ang Diyos na sinasamba ng kanyang mga kritiko kundi Diyos ng mga Pilipino na bumoto sa kanya.
Binalaan pa ng ating Pangulo na “papatayin” niya ang sino mang gagamit sa Diyos para birahin siya at ang kanyang administrasyon. Kung sa bagay, tama rin si PRRD na hindi dapat gamitin ng mga pari, pastor, o imam ang kanilang mga pulpito o mosque para siya ay batikusin. Pero, solusyon ba sa problema ang pagpatay?
Ang dapat nga namang gawin ng Simbahang Katoliko at ng iba pang relihiyosong grupo ay itaguyod ang kagalingang-espirituwal ng mga tao. Sa kabilang dako, naniniwala ang mga paring Katoliko na hindi sila mapipigilang magkomento kapag ang nakataya ay ang kabutihan, kapakanan, at kagalingan ng mga mananampalataya laban sa mga pang-aabuso, pang-aapi at pagpatay nang walang due process.
-Bert de Guzman