Tiniyak ng Department of Tourism (DoT) na rerebyuhin nila ang guidelines hinggil sa foreign trips ng kanilang mga opisyal at personnel kasunod ng pagpuna ng Commission on Audit (CoA) sa umano’y maluluhong biyahe ng mga ito.

Sa isang kalatas, nilinaw ng DoT na ang lahat ng biyahe ng kanilang tanggapan ay pawang opisyal at nakasunod sa mga panuntunan ng gobyerno.

Ngunit dahil nagkaroon ng ganitong kontrobersiya, siniguro nito sa COA na handa silang silipin ang mga panuntunan na sinunod ng dating liderato nito.

“While the Department of Tourism reiterates that all travels were official in nature and have adhered to government procedures, it assures the CoA that it will review and revisit the agency’s existing guidelines on foreign travels of its officials and personnel issued January 2018,” ipinahayag ng DoT.

National

Abalos, kinumpirma intensyon ni Wesley Guo na sumuko

Ayon pa sa ahensiya, kung kinakailangan ay maglalabas ito ng mas mahigpit na panuntunan o babalangkas ng bagong bersiyon ng guidelines, na higit na makatutugon sa kanilang mandato na makalikha ng magandang imahe ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad.

Nauna rito, inihayag ng CoA na nakakita sila ng mga iregularidad sa mahigit P2 bilyong transaksyon ng ahensiya sa ilalim ng pamumuno ng nagbitiw na si Secretary Wanda Teo.

Sa 104-pahinang audit report, sinabi ng CoA na bumiyahe si Teo sa limang international destinations noong nakaraang taon, kabilang sa Berlin, Germany; Bangkok, Thailand; Istanbul, Turkey; Singapore, at South Korea, at tumanggap ng kabuuang daily subsistence allowance na P857,961.95.

Bukod dito, nakakuha rin umano si Teo at 93 iba pang DoT officials ng travelling allowances na nagkakahalaga ng P19.29 milyon, sa kabila ng kawalan ng ispesipikong guidelines hinggil dito mula sa central office.

-MARY ANN SANTIAGO