KATATAPOS lang magpatugtog ni Bro. Jun Banaag ng awiting Pamasko sa kanyang Dr. Love Radio Show sa DZMM nang pumasok ang isang text message na humihingi ng saklolo o tulong.
Nagmula ang text sa isang fourteen year old girl na humihingi ng tulong kay Dr. Love, dahil sa panghahalay umano sa kanya ng sariling stepfather. Ayon sa dalagita, ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa Bahrain. Wala naman umanong maitulong ang best friend ng menor de edad, kaya pumasok na rin umano sa isip nito ang magpakamatay.
Kaagad bumuo ng rescue team si Bro. Jun at maging ang RVM Sisters ay nag-offer ng pansamantalang matutuluyan ng dalagita.
Maraming listeners, kabilang na sina Dulce at Richard Merck ang nagpahayag ng kanilang concern, at nag-alay ng dasal para sa kaligtasan ng bata.
Then Bro. Jun tried to contact the high school student sa mobile number nito, pero sa kadahilanang tanging ang bata lang ang nakaaalam, naka-off ang cell phone nito.
Sari-saring haka-haka ang nabuo sa isipan ng mga listeners. Natunugan kaya ng stepfather ang paghingi ng tulong ng dalagita kay Dr. Love? Or gawa-gawa lang ang mensahe ng texter?
Kung anuman ang katotohanan, o totoo man na panloloko lang ang nangyari, nagpapasalamat pa rin si Bro. Jun na sa programa niya dumulog ang dalagita.
“Ang programa ay laging bukas sa lahat ng nangangailangan ng tulong hindi lamang pang-ispirituwal,” wika ni Bro. Jun, na tulad ng maraming nag-text ay worried pa rin sa kalagayan ng bata hanggang ngayon.
-Remy Umerez