Binigyan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) ng 10 araw upang magpaliwanag sa 25-percent shading scheme, na inihihirit ni Vice President Leni Robredo sa pagbibilang sa balota sa manual recount.
Ang utos ng korte ay may kinalaman sa protestang inihain ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos laban kay Robredo tungkol sa umano’y iregularidad sa halalan noong 2016.
Nauna nang hiningan ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General (OSG) ng paliwanag hinggil sa naturang isyu.
Sa manual recount, natuklasan ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na may iregularidad sa halalan sa Camarines Sur, na balwarte ni Robredo, at sa Iloilo.
Ibinasura naman ng tribunal ang hirit ni Marcos na imbestigahan ang “outing” na umano’y inisponsor ni Robredo sa mahigit 20 PET head revisors at revisor ng Pangalawang Pangulo sa isang resort sa Pansol, Calamba City, Laguna.
-Beth Camia