Positibo si Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde na lubusang mabubura ng bagong nilagdaan na Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ang mga kaso ng hazing sa bansa sa mga susunod na taon.

Gayunman, aminado ang PNP chief na matatagalan bago lubusang matamo ng Pilipins ang “zero-crime” incident kaugnay sa hazing.

“Honestly, probably we still have several cases [of hazing] that are not being reported to authorities. We cannot immediately expect a zero-crime incident even after that law was signed,” ani Albayalde.

“That’s the way it is. There is a time for adjustment and we will do that little by little until eventually, it will be eradicated,” dugtong niya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inamin ni Albayalde na maging sa Philippine Military Academy (PMA) ay mayroon pa ring mga kaso ng hazing na isinasagawa bilang bahagi ng pagdidisiplina sa mga kadete ngunit bumaba na ang bilang ng mga ganitong aktibidad.

“In the PMA, it has been [a part of] its history. Almost all of the PMAers would deny that but [I] can’t. We’ll be lying if we say that there are no hazing rites inside. We expect that because it’s been a long cherished tradition there,” paliwanag ni Albayalde, miyembro ng PMA Sinagtala Class of 1986.

Binigyang katwiran din niya na ang hazing rites sa loob ng PMA ay madalas na hindi ginagamitan ng sobrang puwersa, at sapat lamang para turuan ng leksiyon ang mga kadete, gayunman mayroong ilang casualties na iniulat sa nakalipas.

Dahil sa bagong batas, umaasa ang PNP na sa una ay mababawasan ang mga insidente ng hazing hanggang sa lubusan na itong mawala makalipas ang ilang panahon ng adjustment.

Kumpara sa RA 8049 na nagre-regulate lamang ang hazing, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 29, 2018 ang mas mahigpit na Anti-Hazing Law na ipinagbabawal ang gawaing ito; nire-regulate ang iba pang uri ng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon sa mga eskuwelahan kabilang ang military at police; at pinarurusahan ang mga lalabag dito.

Nakapaloob sa bagong batas ang mga parusang reclusion perpetua at multang P3 milyon sa mga nakilahok sa hazing kung ito ay nagresulta sa kamatayan, panggagahasa, sodomy o mutilation; at reclusion temporal at P1 milyon sa lahat ng mga naroon, sa mga magtatangkang itago ang katotohanan sa insidenteng naganap, at sa mga haharang sa imbestigasyon.

-Martin Sadongdong