Mataas pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nagnanais ipaglaban ng administrasyong Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia, 73 porsiyento ng mga respondents ang sang-ayon na dapat ipaglaban ng pamahalaan ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal noong 2016, na pumapabor sa Pilipinas bilang bansa na may hurisdiksiyon sa pinag-aagawang teritoryo.
Ito ay bahagyang bumaba mula sa resulta ng survey noong Disyembre na 84%.
Mula sa 1,800 respondents, 46% ang naniniwala sa dapat na hakbang, habang 27% ang bahagyang sang-ayon.
May 17% na neutral; 4% ang ‘di sang-ayon; at 3% ang lubhang ‘di sang-ayon.
Nasa 2% naman ang aminadong limitado lamang ang kanilang nalalaman sa issue, samantalang may 0.4% ang walang ideya sa pinag-uusapan.
Sa hiwalay na survey, dalawa sa 10 Pinoy ang sang-ayon sa patuloy na pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa China.
Isinagawa ang survey nitong Hunyo 15-25, ilang araw bago ang ikalawang taong anibersaryo ng pagkapanalo ng bansa sa kaso sa tribunal.
-Beth Camia