Pinabulaanan ni Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., na sangkot ang ilang pulis- Taguig sa pambubugbog sa isang 12-anyos na lalaki na sinasabing nahuling nagsusugal sa Taguig City, nitong nakaraang linggo. Nag-viral sa social media ang nasabing report.
Ayon kay Apol ina r io, hindi pulis ang inirereklamo sa insidente at aksidente ang pagkakasugat ng biktima.
Aniya, nag-usap na ang pamilya ng biktima at mga tanod ng barangay hinggil sa insidente.
Mismong si Taguig City Police chief, Senior Supt. Alexander Santos ang nagkumpirma na hindi sangkot ang kanyang tauhan sa umano’y pananakit sa binatilyo.
“Fake news po yun,di totoo,walang pulis involve,hawak po ng TV 5 Tulfo ang kaso,” paglilinaw ni Santos.
Kumalat sa social media na isang 12-anyos na lalaki ang umano’y binugbog ng isang pulis. Sinasabing iniuntog at inginudngod ang mukha nito sa puno malapit sa kanilang bahay sa Sitio Pusawan, Barangay Ususan sa nasabing lungsod, nitong Hulyo 6.
Nahuli umano ang biktima na naglalaro ng cara y cruz.
-BELLA GAMOTEA