SA mataas na rehiyon ng Cordillera sa hilagang bahagi ng Pilipinas, ang “gong” ay isang tradisyunal na instrumento para sa mga katutubo na ginagamit sa kanilang ritwal, pagtitipon, at mga pagdiriwang.

Ang taginting at maugong na tunog ng malaking metal na ito ay tila isang panawagan para sa isang aksiyon at pagdiriwang ng pagkakabuklod at pagkakaisa.

Para sa ilang tribo sa Cordillera, ginagamit ang gong sa ritwal upang itaboy ang masasamang espiritu at magbigay ng kasaganahan sa mga tao.

Sa loob ng anim na taon, taunang isinasagawa ng mga mamamayan ng Cordillera ang week-long “Unity Gong Relay”, bilang bahagi ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng rehiyon ng Hulyo 15.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Unity Gong Relay ay isang seremonyal na pagdadala ng isang simbolikong gong sa lahat ng probinsiya at lungsod sa Cordillera kung saan ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang pumapalo sa gong.

Simula noong 2012, taunan nang isinasagawa ang masiglang pagdiriwang bilang pagpapahayag ng suporta para sa panawagang awtonomiya ng rehiyon.

“It links one province to the next and brings all into one,” pahayag Cordillera National Economic Development Authority (NEDA) regional director Milagros Rimando. “It is a venue to join hands in discussing the end dream of autonomy.”

Para sa ika-31 anibersaryo ng pagkakatatag ng Cordillera Administrative Region (CAR), sinimulan ang Unity Gong Relay sa bayan ng Lagawe, Ifugao, nitong Lunes, Hulyo 9.

Pinangunahan ni Ifugao Governor Pedro Mayam ang pagpapalo sa simbolikong gong, na hudyat rin ng pagsisimula ng pagdiriwang ngayong taon mula sa temang “Regional Autonomy for Good Governance”, isang simbolikong deklarasyon ng panawagang awtonomiya ng rehiyon.

Isinusulong ng Cordillera Regional Development Council (RDC) ang pagkakaroon ng autonomous status tungo sa pederalismo.

Mula sa Ifugao, umiikot sa mga probinsiya ng Mountain Province, Kalinga, Mountain Province, Apayao, Abra, at Benguet saka nakatakdang muling ibalik sa probinsiya ng Ifugao kung saan idaraos ang isang seremonya.

PNA