IBINASURA nitong Lunes ng bicameral conference committee sa Bangsamoro Basic Law ang mungkahi ng Senado na pagbabawal sa mga political dynasties para sa inaasahang autonomous region.
Nakasaad sa Seksiyon 15, Artikulo VII ng Senate Bill 1717 na, “No party representative shuld be related within the second civil degree of consanguinity or affinity to a district representative or another party representative in the same parliament.” Nanganguhulugan ito ng pagbabawal sa ama at anak (first degree) o dalawang magkapatid (second degree) na magsilbi sa iisang parliyamento sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ngunit mariing tinutulan ng mga miyembro ng bicameral panel ang probisyon, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon. Kaya naman hiniling niya ito sa mga kapwa niya mambabatas. Ang Bangsamoro Transition Commission na bumalangkas ng panukalang-batas na una nang tinanggihan ang mungkahi ng Senado.
Ang prinsipyo ng pagbabawal sa pagtakbo ng mga pamilya ay matagal nang nakasaad sa Konstitusyon simula nang ipagtibay ito noong 1987, ngunit hindi ito kailanman naipatupad dahil sa konstitusyunal na probisyon na nananawagan ng batas na magbibigay ng kahulugang: “The State shall guarantee eqal access to opportunities for public service, and prohibit political dynastes as may be defined by law,” (Section 26, Article II, Declaration of Principles and State Policies.
Marami nang kongresista ang nagpulong simula noong 1987, ngunit wala ni isa sa mga ito ang naghain ng batas na kinakailangan. Ang pinakamalapit sa layong ito ay ang ipatupad ang pagbabawal sa halalan para sa Kabataan nitong nakaraang Mayo ngunit hindi ang halalan sa barangay na kasabay na idinaos.
Pinaniniwalaan na malabong ipasa ng Kongreso, na nakapailalim sa political dynasty, ang ganitong batas lalo’t kontra ito sa kanilang sariling interes. Ito ang sagot kung bakit sa nakalipas na 31 taon simula noong 1987, hindi kailanman naipatupad ang Seksiyon 15, Artikulo VII ng Konstitusyon ng Pilipinas.
Nitong Lunes, natapos at naisumite na ng Consultative Committee, na itinalaga ni Pangulong Duterte, ang mungkahing balangkas ng bagong Konstitusyon na nakaayon sa pederal na sistema ng pamahalaan, mula sa Pangulo, dadalhin ito sa Kongreso, na pag-uusapan sa isang Constitutional Assembly. Sinabi ng Consultative Committee na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno na kabilang sa kanilang mungkahi ang pagbabawal ng political dynasties, sa pagkakataong ito tinukoy dito ang pagbabawal hanggang sa second degree o sa magkakamag-anak.
Makalipas ang 31 taong kawalan ng aksiyon ng Kongreso at makaraang ibasura ng bicameral committee sa BBL ang mungkahi ng Senado, tila hindi rin makalulusot ang panukala ng Consultative Committee na pagbabawal sa political dynasties sa nakatakdang Constitutional Assembly na binubuo ng mga miyembro ng Kamara de representates at Senado.