Ibinasura nitong Miyerkules ng Philippine National Police (PNP) ang kahilingan ni Senate President Tito Sotto na payagan si Senator Leila de Lima na magsagawa ng pagdinig habang nakakulong sa Custodial Center ng pulisya sa Camp Crame sa Quezon City.
Sinabi ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na hindi nila pinayagan ang nais ng Senado na magsagawa ng hearing ang komiteng pinamumunuan ng senadora sa kinapipiitan nito sa Custodial Center.
Ayon sa PNP, limitado na ang mga karapatan ni de Lima na tuparin ang kanyang tungkulin bilang mambabatas dahil sa pagkakakulong nito.
Katwiran ng PNP, ang anumang hiling ng Senado kaugnay ng legislative function ni de Lima, gaya ng pagdaraos ng committee hearing, ay nakasalalay sa pasya ng korte, na may hurisdiksiyon sa kaso ng ilegal na droga na kinakaharap ng senadora.
Kasunod nito, sinabi ni Sotto na pag-aaralan niya ang susunod na hakbangin matapos tanggihan ng PNP ang kanyang kahilingan.Anim na pangunahing panukala na pasado na sa Kamara ang nakabimbin ngayon sa Senado dahil hindi pa ito natatalakay ng komite ni de Lima.
-Fer Taboy