Inimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang anggulong may kinalaman sa pulitika ang pagpatay kay Sapa-Sapa, Tawi-Tawi Vice Mayor Al Rashid Mohammad Ali sa Zamboanga City, nitong Miyekules ng hapon.
Ito ang binanggit ni PNP Chief Oscar Albayalde base na rin sa resulta ng inisyal nilang imbestigasyon.
Sa ngayon, aniya, wala silang nakikitang ibang dahilan upang patayin si Ali.
Aniya, last termer na ni Ali bilang bise alkalde at siya ang napipisil na kumandidato bilang kahalili ng ama nito na kasalukuyang alkalde sa nabanggit na bayan.
“Even the family is saying that they see no other reason but local politics because he is the possible mayoralty candidate in next year’s elections,” diin nito.
Si Ali, kasama ang asawa at isang police security escort, ay pinagbabaril ng armado habang sakay sa sasakyan sa Gov. Alvarez sa Camino Nueva, Zamboanga City, bandang 5:00 ng hapon.
Patay na ang bise-alkalde nang isugod sa ospital dahil sa tama ng bala sa dibdib at ulo.
Patuloy namang ginagamot sa ospital ang bodyguard nito na si PO1 Abdulmurib Ilahan Hadjirul, 34, ng 2nd Platoon Mobile ng Police Regional Office ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
-AARON RECUENCO at FER TABOY