SA ikatlong pagkakataon ngayong taon, ilalarga ng ONE Championship ang fight card na magtatampok sa mga premyadong Pinoy fighters sa MOA Arena sa Hulyo 27.

Tatampukan ang ONE Championship: Reign of Kings ng mga pamosong fighter ng Team Lakay, sa pangunguna ni One bantamweight contender Kevin ‘The Silencer’ Belingon laban kay two-division ONE world champion Martin ‘The Situ-Asian’ Nguyen para sa interim ONE Bantamweight World Championship.

Ang magwawagi sa laban ay mabibigyan ng pagkakataon na sumabak kontra ONE’s longest-reigning world champion Bibiano ‘Flash’ Fernandes.

Nasa fight card din si Team Lakay lightweight star at dating ONE Lightweight World Champion Eduard Folayang na mapapalaban sa walang talong si Aziz Pahrudinov ng Russia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Matapos maagawan ng titulo sa nakalipas na taon, nakabawi si Folayang sa impresibong panalo kontra Kharun Atlangeriev nitong Mayo. Inaasahang magbabalik sa pedestal ang tinaguriang ‘The Landslide’ sakaling manalo sa laban.

Masusubok siya sa 20-anyos na Pahrudinov na may kartang 20-0, tampok ang 13 panalo sa TKO.

Sasalang din sina Team Lakay’s former strawweight world title challenger Joshua Pacio laban kay Thailand’s Pongsiri Misatit.

Target ni Pacio na masundan ang three-win streak laban sa 22- anyos na si Misatit na wala ring talo sa siyam na pro fight.

Mapapalaban naman si Rene Catalan kay Indonesian Steffer Rahardian.

Mapapanood din sa ONE: Reign of Kings ang duwelo nina dating ONE Champion Shinya Aoki kontra Shannon Wiratchai sa lightweight, gayundin ang laban nina Renzo Gracie at Yuki Kondo sa welterweight.