Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang mga “Province of China” tarpaulin na isinabit sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ay “gimmick” lamang ng mga kaaway ng pamahalaan.

“It’s absurd and I’m sure it’s the enemies of the government behind it. So, to them: try again. You need a better gimmick than that,” mensahe ni Roque sa mga nagsabit ng malaki at pulang tarpaulin na nasusulatan ng “Welcome to the Philippines, Province of China”.

Ang pagsasabit ng nasabing mga tarpaulin—na ang mga litratong kuha ng motorista ay nag-viral sa social media kahapon—ay itinaon sa ikalawang anibersaryo ng arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas kontra sa China kaugnay ng mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.

“It’s farthest from the truth. Paulit-ulit sinasabi ng Presidente (Duterte) paninindigan natin kung anong atin. Pero habang hindi pa nareresolba ‘yan, hayaan nating umusad ang ating relasyon sa Tsina sa bagay-bagay na puwedeng umusad, lalung-lalo na sa larangan po ng ekonomiya,” sabi ni Roque.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We continue to assert our sovereignty and sovereign rights but we have decided to move on issues which are non-controversial because we know the final resolution, particularly on the issue of sovereignty on the disputed islands will take many many many many years to resolve since this was not a subject of the arbitral ruling that we won two years ago,” dagdag niya.

Sinabi ni Roque na hindi niya alam kung sino ang nagsabit ng mga tarpaulin, bagamat tiyak niyang walang mapapala ang may pakana nito, na nagpapakalat lang, aniya ng kasinungalingan.

“Nagpo-provoke lang po siguro ‘yan kasi they are obviously propagating a lie that we have given up on our national territory,” ani Roque, sinabing walang magiging hakbang ang Malacañang kaugnay ng nasabing mga tarpaulin.

“Wala po. Alam n’yo naman ang Presidente, tinatanggap lahat nung mga nais na impormasyon na ibigay ng taumbayan sa merkado ng idea. Naniniwala po ang Presidente sa malayang pananalita,” aniya. “Pero siyempre rin po, bagamat may karapatan silang magsabi ng ganyan, eh sinisigurado ko po, kasinungalingan ‘yan.”

Kaagad namang binaklas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nasabing tarpaulin, na ang ilan ay isinabit sa mga footbridge sa Metro Manila.

Sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na nakipag-ugnayan sila sa Tourism Promotion Board kung may kinalaman ang ahensiya sa mga tarpaulin, subalit mariing itinanggi ito.

Pinabulaanan din ng ilang pribadong kumpanya na may kinalaman sila sa nasabing tarpaulins.

Inaalam pa ng MMDA kung sino ang nasa likod ng pagkakabit ng mga nabanggit tarpaulin, na siyempre pa ay walang permit mula sa ahensiya.

Pebrero ngayong taon nang magbiro si Pangulong Duterte na mas mainam kung magiging lalawigan na lang ng China ang Pilipinas, dahil malaki ang magiging pakinabang dito ng mga Pilipino.

“Why are you so sparing? Gusto n’yo gawin n’yo na kaming province of China. Eh, ‘di wala tayong problema. Libre na lahat,” biro ng Pangulo sa isang event na dinaluhan niya sa Maynila. “‘Province of the Philippines, Republic of China.’ Bayaan mo na, marami namang pera, eh.”

-Argyll Cyrus Geducos at Bella Gamotea