Patay ang isang babae, na kauuwi lamang umano mula sa pagtatrabaho sa Dubai, nang dumanas ng matinding pagdurugo matapos umanong magpalaglag sa loob ng isang motel sa Quiapo, Maynila, iniulat kahapon.
Ang biktima, 32, tubong Tarlac, ay tatlong araw pa lamang sa Pilipinas matapos na magtrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai.
Arestado naman at isinasailalim sa imbestigasyon ang suspek na si Luzviminda Tibay, 58, ng 6 Carcel Hidalgo Street, sa Quiapo.
Sa ulat ni PO1 Erikson dela Cruz kay Manila Police District (MPD)- Station 3 commander, Police Supt. Julius Caesar Domingo, isinugod sa ospital ang biktima ngunit patay na dahil sa Septic Shock from Induced Abortion, bandang 2:30 ng hapon kamakalawa.
Sa salaysay ng kaibigan ng biktima, 36, bago ang insidente ay nagpasama sa kanya ang biktima at nag-check in sa isang hotel sa Bautista St., sa Quiapo sa ganap na 1:00 ng hapon nitong Hulyo 10.
Pagsapit ng 2:00 ng hapon, dumating umano si Tibay sa hotel at isinagawa ang aborsiyon kapalit ng P10,000. Pasado 2:00 ng hapon kamakalawa, iniwan ng testigo ang biktima sa loob ng motel upang bumili ng kanilang tanghalian.
Gayunman, pagbalik nito sa hotel ay patay na umano ang biktima at nagkalat ang dugo sa sahig.
Dahil dito, nagsagawa ng follow-up operation ang awtoridad at naaresto si Tibay.
-MARY ANN SANTIAGO