HINDI maikakaila na kailangan natin ang mga dayuhang kumpanya at ang kanilang kapital upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa at magkaroon ng mas maraming oportunidad ng trabaho para sa mga Pilipino. Ngunit may mga limitasyon din ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa mga piling sektor, alinsunod sa mga batas na nakasaad sa Konstitusyon.
Gaya na lamang ng paglalathala ng libro, dahil ito ay isang regulated sector.
Ayon sa Section 11, Article XVI ng 1987 Charter: “The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives, or associations, wholly owned and managed by such citizens.”
Samantala, inilarawan naman sa Presidential Decree No. 1018 s. 1976 ang mass media bilang “print medium of communication, which includes all newspapers, periodicals, magazines, journals, and publications…”
Gayundin, sa ilalim ng Article 4 Republic Act (RA) 7394, tinutukoy na ang mass media ay “any means or methods used to convey advertising messages to the public, such as television, radio, magazines, cinema, billboards, posters, streamers, hand bills, leaflets, malls and the like.”
Inihayag ng Department of Justice (DoJ), sa DoJ Opinion No. 040 s. 1998, na mula sa DoJ Opinion No.24 s. 1986, “the distinctive feature of any mass media undertaking is the dissemination of information and ideas to the public, or a portion thereof.” Ito ay sinegundahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa SEC-OGC Opinion No. 14-15 (Re: Foreign Equity Limitation) na ipinatupad noong Hulyo 7, 2014.
Sa ipinatutupad na regulasyon ng RA 8047, o ng Book Publishing Industry Development Act, lahat ng tao at mga kabuhayan na may kinalaman sa paglalathala ng libro at mga kahalintulad na aktibidad ay kinakailangan munang mairehistro at pumasa sa National Book Development Board.
Alinsunod sa lahat ng nasabing batas at issuances, nagsumite sina Rep. Horacio P. Suansing Jr. ng Second District of Sultan Kudarat at Rep. Estrellita B. Suansing ng First District of Nueva Ecija ng Joint Resolution No. 1945, na layuning maimbestigahan ang umano’y distribusyon ng mga nailathalang dayuhang libro sa mga pampubliko at pribadong elementarya at sekondarynga paaralan, gayundin ang pagtaas ng bilang ng mga hindi nakarehistrong dayuhang kumpanya, na ang negosyo ay ang paglalathala ng mga aklat sa bansa.
Ang resolusyon ay isinumite makaraan nilang makatanggap ng mga ulat, na ang dayuhang kumpanyang XSEED, ay nagbebenta ng mga foreign published books at workbooks para sa mga estudyante at lesson plans para sa mga guro ng basic education sa Bulacan, Cavite, Pasay, Pasig at Manila.
Anila, bukod sa paglabag sa Philippine laws, maaari itong makapaminsala sa educational development sa bansa, gayundin ng pamumuhay ng mga lehitimong tagapaglathala sa bansa at ng mga printing company.
Ang resolusyong isinumite ng Suansings ay isang makataong reaksyon hinggil sa isyu at dapat na ito ay pagtuunan ng pansin ng House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Pantaleon Alvarez.
Ito ay isang ilegal na operasyon na makaaapekto sa kapakanan ng mga kabataang Pilipino, gaya ng pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot, na isa sa pangunahing isyu na isinasaalang-alang ni Pangulong Duterte.
Higit na mahalaga, ang hakbang ito ay isang babala para sa mga dayuhang kumpanya na hindi sila maaaring makapag-operate ng ilegal dito sa bansa at malayang makalusot sa batas, lalo na sa mga regulated sector gaya ng paglalathala ng libro. Tiyak, ito ang area kung saan hindi kailangan ang mga dayuhang kumpanya.
-Johnny Dayang