KAHIT malakas ang ulan nitong Miyerkules ay hindi nagpakabog ang I Love You, Hater sa dalawang foreign film na Skyscraper at Ant-Man and The Wasp.
Panay ang tanong namin sa takilyera ng Trinoma Cinemas kung maraming nanood ng I Love You, Hater at ipinakita naman sa amin ang resulta ng bawat screening. Noong umaga ay medyo mahina pa, pero biglang lumakas na bandang 1:40 ng hapon, at may mga nakuha rin kaming balita mula sa ibang mga sinehan na malakas na nga nung bandang hapon at gabi.
Kahapon din ng tanghali ay may pa-block screening si Kris Aquino, sponsored ng Chowking. Aliw na aliw kami sa side comments niya sa eksenang sinabi nina Joshua Garcia at Julia Barretto sa ex-husband ni Shasha (Kris), na si John Estrada, na posible bang balikan pa o gustong makita ang ex.
Umalingawngaw ang boses ni Kris: “No!”Sa eksenang sinabi na posibleng may pagmamahal pa, hirit kaagad ni Kris: “Of course not!”
Tawanan ang lahat ng tao sa Cinema 5 sa mga sinabi ng aktres, na talagang apektado rin sa eksena. Ha, ha, ha. Although alam naman ng lahat na biro lang iyon dahil nagagawa nang magbiro ni Kris dahil kung meron pa siyang nararamdaman sa kanyang ex ay hindi niya kayang sabihin ito.
Anyway, heartwarming ang pelikulang I Love You, Hater na may #satruelang dahil mahigpit na ipinagbabawal ni Madam Shasha ang sinungaling sa mga empleyado niya. Paano ka nga naman pagkakatiwalan kung sa simula pa lang ay may mali na?
Ramdam ang hugot ni Kris sa eksenang hindi siya kilala ng tatay niyang si Cesar (Ronaldo Valdes) dahil may Alzheimer’s. Pero tanda nitong may anak siyang babaeng Shasha na sobrang sipag sa trabaho at mahal na mahal siya, kaya napaiyak nang husto ang una.
Pinalakpakan si Kris sa eksenang iyon, dahil nadala niya ang manonood na hindi namamalayang tumutulo na rin pala ang mga luha.
Gusto naming batiin si Julia dahil ang galing niya sa eksenang nakita niya ang tatay niyang si Chito (Ricardo Cepeda) na pigil na pigil ang luha habang isinasayaw ang ikinasal na anak na babae na ang pakilala ay nag-iisang anak.
Ang ganda ng eksenang nagkaharap ang mag-ama at binati ni Julia ang tatay niya na hindi nakasagot. Sa bahay na nag-iiyak si Zoey (Julia).
Halatang may hugot si Julia at gusto naming isiping marahil habang ginagawa niya ang eksenang iyon ay naalala niya ang nangyari nang naghiwalay ang mga magulang niyang sina Marjorie Barretto at Dennis Padilla.
As expected, mahusay talaga si Joshua, at bagong karakter ito sa kanya ang maging bading, at nagampanan naman niya nang maayos. Gustung-gusto namin siya kapag naka-tuck in, at medyo may kembot kapag naglalakad, napaka-effortless.
May aral ang kuwento ng I Love You, Hater kaya bagay ito sa buong pamilya, dahil sa bawat karakter ng cast ay makaka-relate ang bawat miyembro nito.
Tinanong namin ang taga-Star Cinema kung magkano ang first day gross ng I Love You, Hater, at “okay tayo” ang isinagot sa amin.
Hindi pa raw maglalabas ng figures sa kinita, pero sure raw na hindi ito nagpatalo sa mga sinehang nagbukas nitong Miyerkules.
Congrats sa Team I Love You, Hater!
-Reggee Bonoan