NANG bumandera ang magkakasunod na pagpatay sa ilang pulitiko sa iba’t ibang lalawigan at siyudad sa bansa – na ang pinaka-huling naganap ay ang pag-ambush kay vice mayor Al Rashid Mohammad Ali sa Zamboanga City – agad na nagpalabas ng kautusan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang pagpapatupad ng CHECKPOINT sa buong bansa.
Si Ali ay ang pangalawang vice mayor at pang-apat na “local government official” na napatay sa loob lamang ng halos dalawang linggo, at kung di ako nagkakamali ay ika-16 na simula nang pumasok ang administrasyong ito.
Hay naku, heto na naman ang ating mga pinuno ng PNP sa kanilang mga “reaksiyonaryong” pagkilos na kadalasang nagagaya tuloy sa mga pelikulang Pilipino – na kapag tapos na ang krimen ay saka pa lamang dumarating ang mga alagad ng butas, ay batas pala!
Sorry po talaga. ’Di ko naman minamaliit ang inyong kakayahan, dangan lang kasi sa Camp Crame ko na halos ginugol ang malaking bahagi ng aking buhay habang nagtatrabaho bilang isang mamamahayag, kaya bukod sa nakita at nasubaybayan, ay “piping saksi” ako sa mga operasyon ng mga magagaling na operatiba at imbestigador sa paglutas ng malalaking krimen – na hinahanap-hanap ko sa mga pulis natin sa ngayon!
Hindi ko na talaga ito makita sa kanila sa kabila ng sangkatutak na CCTV video at modernong gadget na malaking tulong dapat sa kanilang pag-iimbestiga, palpak pa rin ang mga resulta. Kaya tuloy ang naririnig ko na magaling na lang ang mga pulis natin sa ngayon, at napaka-eksperto pa, ay sa paghuli sa mga lumalabag sa R.A 1602 at nadagdagan pa nga pala – ng mga binabagansiya!
Walang dudang malaking bagay ang paglalagay ng mga CHECKPOINT sa iba’t ibang lugar, na gaya nga ng sinabi ni PNP spokesman Sr. Supt. Benigno Durana Jr., ay “makapag-aalangan sa mga kriminal na gumawa ng krimen kapag inumpisahan na ang 24 oras na checkpoint sa buong bansa”.
Teka muna mga pinakapipitagang opisyal sa PNP – matagal na tayong maraming checkpoint, umaga at gabi sa lahat halos ng pangunahin at nakatagong kalsada, lalo na rito sa Metro Manila, pero tila sa halip na “matakot” ang mga kriminal ay lumakas pa ang loob ng mga ito, kaya kabi-kabila ang krimeng nagaganap. ‘Di lang yata nakakasama sa report ng mga istasyon ng pulis ang karamihan sa mga krimeng ito kaya nananatiling mababa ang estadistikang pinagbabasehan ninyo.
Sampol – sa Barangay Bagbag sa Novaliches ay dati namang walang nagtse-checkpoint at walang problema sa krimen. Pero simula nang magka-CHECKPOINT sa mismong main road ng isang subdivision, magkakasunod ang naganap na krimen na gaya ng basag-kotse, bukas-kotse, salisi, akyat-bahay at holdap. Nito lamang nakaraang linggo, isang “Tea House” na ilang metro lamang ang layo sa PCP ng Novaliches Sta-4 ng Quezon City Police Department (QCPD), ang pinasok ng apat na armadong lalaking naka-motorsiklo, at hinoldap ang mga kostumer nito. Nangyari sa CHECKPOINT?
Narinig kong komento ng ilang nagta-tricycle sa aming lugar: “Kung kailan nagka-checkpoint ay saka lumakas ang loob ng mga kriminal na gumawa ng krimen – kasi may kakampi na sila sa lugar na bibirahin nila!”
Totoong nakatutulong ang CHECKPOINT -- pero para sa akin, mas malaking bagay ang mabilisang paglutas ng mga krimeng naganap, mahuli at maparusahan ang mga kriminal upang magsilbing babala sa mga “pasaway sa lipunan” na hindi natutulog ang ating mga alagad ng batas!
Pero para naman sa isang beterano at matinik na imbestigador: “Mas epektibong kilalanin, hulihin, kasuhan at ikulong agad ang kriminal bago pa man muling makapamerwisyo ang mga ito!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E