SERYOSO lagi kapag nagsasalita si Arjo Atayde. Pero sa loob niya, halos maglulundag siya sa tuwa dahil finally, may pelikula na siya sa loob ng anim na taon niya sa showbiz.

Arjo

Matagal na pinangarap ng aktor na magkaroon ng pelikula, at pangarap din niyang makatrabaho si Direk Erik Matti. Kaya naman nung sinabihan siyang may cameo role siya sa Buy Bust ni Anne Curtis ay umoo kaagad siya, maski hindi niya alam kung ano ang gagawin niya.

“Oo naman, Erik Matti ‘yun, eh. I’m very vocal naman na I want to work with him, kaya nga nu’ng sinabing baka puwede ako sa Buy Bust, talagang sinabi ko, gagawin ko anuman ang karakter ko,” sabi ng aktor.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Kung tama ang pagkakatanda namin ay ngayong taon lang nag-shooting si Arjo ng Buy Bust, dahil idinagdag nga lang siya sa cast. Pero sa maliit niyang role ay umabot din ng ilang buwan ang shooting, dahil sa hirap ng mga eksena.

Kaya naman sa mediacon ng Buy Bust ay natanong si Arjo kung ano ang papel niya, dahil ni minsan ay hindi nabanggit na kasama siya sa pelikula. Higit sa lahat, wala siya sa trailer, at wala rin ang pangalan niya sa poster.

Napangiti muna si Arjo bago sumagot.

“Hindi nga rin po ako aware, eh,” aniya at nagkatawanan ang lahat.

Mala-Joaquin Tuazon ba ang gagampanan ni Arjo, o iyong karakter na sobrang masama.

Si Direk Erik ang sumagot para sa binata: “Surprise ang role ni Arjo.”

Sundot din ni Anne: “Support lang siya sa movie, nandito siya to support the movie.”

“Sa premiere na lang po ninyo malalaman kung ano ang role ko sa movie. Sa August 1 po makikita na,” natatawang sabi ng aktor.

Kaya lalong naging curious ang lahat ng nasa Buy Bust presscon kung ano nga ba ang gagampanang karakter ni Arjo.

Hirit na tanong, matutuwa o kamumuhian ba si Arjo sa Buy Bust?

“Hindi ko po alam, eh. Sana matuwa sila,” alanganing sagot ng binata.

Hindi alam ng aktor kung ano ang isasagot niya dahil bawal nga malaman ang papel niya, kaya si direk Erik na naman ang sumagot.

“You’ll be surprised! A lot of people who saw him in this role, they realized, it was Arjo. So, ‘yan na ang pinaka-hit. He comes out here in the most different look,” paliwanag ni Direk Erik.

Out of curiosity ay nagtanung-tanong kami sa mga nakapanood na ng pelikula at iisa ang sinabi nila: “Ang galing ni Arjo! Panoorin mo ang Buy Bust malalaman mo.”

Kaya siguro napili ang Buy Bust na maipalabas sa New York Asian Film Festival dahil mga ganitong klaseng pelikula ang gusto nila. At ito rin ang closing film na mapapanood doon sa Linggo, July 15.

Gusto na naming hilahin ang August 1 na opening day ng Buy Bust, produced ng Viva Films at Reality Entertainment.

-REGGEE BONOAN