INANUNSIYO na ng Judicial Bar Council (JBC) na bukas na itong tumanggap ng nominasyon para sa bakanteng posisyon ng Chief Justice ng Korte Suprema. Ang posisyong ito ang iniwan ni dating CJ Maria Lourdes Sereno nang patalsikin siya ng mga kapwa niya mahistrado sa pamamagitan ng quo warranto. Kahit isinasaad ng Saligang Batas na ang mga impeachable government official tulad ni Sereno ay puwedeng tanggalin sa pamamagitan ng impeachment, iginiit ng walong mahistrado na puwede rin ang quo warranto batay sa kawalan ng katapatan. Isinaalang-alang ng walong mahistrado na kawalan ng katapatan ang hindi pagsusumite ni Sereno ng Statement of Assets and Liabilities Networth, nang siya ay nagtuturo pa sa University of the Philippines.
Tatlo sa walong ito na bumoto para matanggal si Sereno ay sina Associate Justice Teresita Leonardo de Castro, Lucas Bersamin at Diosdado Peralta. Ayon sa mapakakatiwalaang impormasyon galing mismo sa Kataas-taasang Hukuman, tinanggap ng tatlong ito ang nominasyon para pumalit kay Sereno. Ang pinakasenior sa mga nakaupong mahistrado ay si AJ Antonio Carpio. Siya ngayon ang Acting Chief Justice sa pagkatanggal ni Sereno. Kahit siya ang dapat manguna sa pagtanggap ng nominasyon, tinanggihan niya ito. “Ayaw kong makinabang sa pagkatanggal ni Sereno,” paliwanag niya. Pero, hindi siya kasama sa walong mahistradong sumang-ayon na mapatalsik ito sa pamamagitan ng quo warranto. Mariin niyang idineklara sa kanyang dissenting opinion na impeachment at hindi quo warranto ang wasto at legal na proseso.
Sina AJ De Castro, Bersamin at Peralta ay hindi lamang bumoto laban kay Sereno. Tumestigo pa sila laban sa kanya nang dininig ng House Committee on Justice ang reklamong impeachment na isinampa ni Atty. Larry Gadon. Sila ang pumapel sa mga alegasyon sa impeachment complaint na hindi mapatunayan ng abogado. Sila ang nagbigay ng ebidensiya.
Kaya, kung totoo man ang naiulat na sinang-ayunan ng tatlo ang kanilang nominasyon sa pagka-Chief Justice, maliwanag na nais nilang makinabang sa bunga ng kanilang ginawa. Ito ang kanilang layunin nang tanggihan nila ang motion for disqualification na inihain ni Sereno laban sa kanya para huwag silang lumahok sa pagdinig sa quo warranto petisyon.
Hindi ko alam kung nais pang ipagpatuloy ng Korte Suprema ang Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) na nilikha nitong programa para sa mga abogado. Sa ilalim ng programang ito, inoobliga ng Korte Suprema na tuwing ikatlong taon ang mga abogado ay dapat kumuha at matapos ng 36 na units ng iba’t ibang paksa ukol sa batas upang mapaunlad ang kanilang kaalaman dito. Hinati sa apat na sesyon ang pagaaral. Maghapon ang isang sesyon.
Kapag hindi kumuha ng MCLE ang abogado, hindi siya makahaharap sa mga korte at babalewalain nila ang lahat ng kanyang isusumiteng papeles o dokumento. Sa bawat 36 na units ng MCLE, ay hindi nawawala ang judicial o legal ethics na malaki ang bahagi. Kasi, gusto ng Korte Suprema na mapatino ang propesyon ng abogasya, upang ang mga abogado ay hindi lang bihasa sa batas, kundi kagalang-galang, tapat at may delicadeza sa paggamit nila ng kanilang propesyon at kanilang pakikisalamuha sa kapwa. Mapapatino mo ba ang propesyon at may halaga pa ba ang MCLE kung ang nagpapatupad nito ay sila mismong kinakikitaan ng hindi magandang halimbawa, lalo na sa pagsunod sa judicial o legal ethics?
Alisin na ito bilang paksa sa MCLE.
-Ric Valmonte