SAYANG! Sayang!
Talagang walang kahihinatnan ang lahat ng magagandang proyekto ng pamahalaan kung palagi nalang hahaluaan ng pulitika.
Sa dami ng mga presidenteng dumaan sa kasalukuyang henerasyon, nasaksihan natin kung ilang mga proyekto ang ibinasura matapos maupo sa poder ang susunod na administrasyon.
Mistulang sakit na ketong kung ituring nila sa mga programang inilatag ng mga nakaraang administrasyon kaya ayaw nila itong galawin o ipatupad.
Ayaw din nilang kilalanin ang magagandang aspeto na maidudulot ng mga ito sakaling magpasiya ang kasalukuyang administrasyon na ituloy ang mga naturang programa.
Kabilang na dito ang tinatawag nating ‘moto turismo’ na isinulong ng pamunuan ni dating Tourism Secretary Wanda Teo subalit ipinatigil ng ngayo’y kalihim na si Berna Romulo-Puyat.
Sa hindi malamang dahilan, hindi na ipinagpatuloy ni Secretary Berna ang moto tourism at sa halip ay ipinupursige nito ang ‘culinary tourism.’
Hindi natin sinasabing hindi maganda ang culinary tourism subalit ang ating ipinupunto ay dapat binigyan din ng pagkakataon ng bagong pamunuan ng Department of Tourism (DoT) na masubukan din ang moto tourism.
Ang moto tourism ay unang ibinandera ni Tourism Assistant Secretary Ricky Alegre kay Ginang Wanda. At dahil batid ni Secretary Wanda ang paglago ng motorcycle industry kasabay ng pamamayagpag ng motorcycle travel, pinagkalooban niya ng buong suporta ang programa.
Sa paliwanag ni Asec. Ricky, hindi gugugol ng malaking pondo ang moto tourism dahil sarili itong aarangkada sa dami ng bumibiyahe na nakamotor sa ating bansa.
Kahit saan kayo lumingon, siguradong may motorsiklo kayong makikita.
Sa totoo lang, hinigitan na ng mga motorsiklo ang populasyon ng mga kotse at iba pang sasakyan na nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO).
Mantakin n’yo, tuwang-tuwa na ang mga car manufacturer sa tuwing aabot sa 400,000 ang bilang ng kanilang nabebentang kotse o SUV sa isang taon.
Habang ang mga motorcycle sales nitong nakaraang taon ay umabot sa 1.5 milyon.
Kaya huwag na kayong magulat sa dami ng motorsiklo sa kapaligiran.
‘Wag na kayong magtaka. Dati-rati’y nagkukumahog ang DoT sa pagsusulong ng larong golf, scuba diving at casino games upang palakasin ang industriya ng turismo sa bansa.
Mismong ang mga lokal na pamahalaan ang magpapatunay na ang mga biyahero na nakamotorsiklo ang nagpapasigla ng kanilang ekonomiya dahil sa pagdayo ng mga ito sa kanilang lugar.
Nakalulungkot at iniwan na lang sa ere ang ganitong programa na sana’y makatutulong sa mga bayan at siyudad sa labas ng Metro Manila.
-Aris Ilagan