KUMPIYANSA ang pamunuan ng Skateboard and Roller Skate Association of the Philippines (SRSAP) na kakayanin ng Pinoy skaters na makapag uwi ng silver medal sa 18th Asian Games sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Jakarta at satellite venue Palembang sa Indonesia.
Sinabi mismo ng presidente ng (SRSAP) na si Monty Mendigoria na sasandal ang skateboard sa galing ni Margielyn Arda Didal kung saan aniya tiwala siya na makakakuha ng silver sa Women’s Division habang podium finish naman ang dalawang pambato ng bansa para sa men’s division na sina Jeff Gonzales at Mak Feliciano.
“I’m looking into at least a silver medal for the women’s division and a podium finish for the men’s division,” pahayag ni Mendigoria.
Ito ang unang pagkakataon na magpapadala ang bansa ng kinatawan para sa sports na Skateboard sa nasabing quadrennial meet.
Gayunman, inamin ni Mendigoria na kailangan pa ng puspusang pagsasanay ng mga atleta ng skateboard lalo na si Didal upang mas makapaghanda sa quadrennial games.
“Marg (Didal) needs to train harder in the US and use more strategy in her runs,” ani Mendigoria.
Samantala, tanging ang mga atleta pa lamang ang aprubado ng Philippine Sports Commission (PSC) para mabigyan ng financial assistance, ngunit ayon kay Mendigoria, hinabol nila ang pangalan ng isang coach na si Dani Bautista upang makasama sa Indonesia.
Bagama’t wala pang tugon ang PSC umaasa naman ang pamunuan ng skateboard na maaprubahan ang kanilang hiling para sa tulong pinansiyal sa dagdag na coach.
Nauna nang nagbigay ng pahayag ang PSC hinggil sa mga hindi maaprubahang National Sports Associations (NSAs) na sasabak sa Asiad na maaari nilang pondohan ang kanilang sarili, at sakaling makapag uwi ng medalya ay gad naman na ibabalik ng ahensiya ang kanilang nagastos.
-Annie Abad