SA kabila ng kabiguang maihatid ang kanyang koponan pabalik ng finals, tinanghal na 2018 Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference Most Valuable Player si Pocari Sweat-Air Force outside spiker Myla Pablo.
Ang hindi inaasahang injury sa kanyang likod bago ang Game 2 ng kanilang best-of-3 semifinals series ng PayMaya ang isa sa nakikitang dahilan ng kabiguan ng Lady Warriors na makabalik ng finals.
Bukod sa MVP, si Pablo rin ang tinanghal na second Best Outside Spiker kasunod ng napiling Best Outside Spiker na si Alyssa Valdez ng Creamline Cool Smashers.
Pinarangalan sila kahapon sa awards rites kasama pa ng ibang outstanding individual performers bago ang third place match sa women’s division sa MOA Arena.
Kabilang din sa mga tumanggap ng individual awards sina Jeantte Panaga ng Pocari at Joy Dacoron ng Banko Perlas bilang Best at second best Middle Blocker ayon sa pagkakasunod, Michelle Gumabao ng Creamline bilang Best Opposite Spiker at kakamping si Jia Morado bilang Best Setter at sina Lizlee Ann Pantone at Tess Rountree ng PayMaya bilang Best Libero at Best Foreign Guest Player.
Samantala sa men’s side, tinanghal namang MVP ng Conference at Best Outside Hitter si dating UAAP Marck Espejo ng Cignal.
-Marivic Awitan