PATULOY na tinututukan ng mundo ang mga pagbabago sa ugnayan ng Amerika at ng North Korea simula nang idaos ang pagpupulong nina Pangulong Donald trump at Kim jong-Un sa Singapore nitong Hunyo 12.
Matapos ang pagpupulong ng dalawang leader, nagkita ang ilang opisyal ng dalawang bansa sa kabisera ng North Korea, ang Pyongyang, kasama si US Secretary of State Mike Pompeo na ibinalita sa Tokyo, Japan na naging produktibo at maayos ang diskusyon kasama si senior official Kim Yong Chol, bagamat maraming bagay pa ang kinakailangang ayusin.
Gayunman, ilang oras matapos niya itong sabihin, binatikos ng North Korean ministry ang umano’y “gangster-like” na hinihingi ng Washington na sapilitang pag-abadona sa nukleyar na armas ng North Korea. “We had expected that the US side would offer constructive measures that would help build trust, based on the spirit of the leader’s summit. However, the attitude and stance the United States showed in the first high-level meeting was no doubt regrettable. Our expectations and hopes were so naive, it could be called foolish.”
Matapos ang unang deklarasyon ng pangakong “denuclearization” sa buong Korean Peninsula—sa bahagi ng North at South Korea, umasa ang North Korea na makarinig ng “constructive measures” mula sa Amerika. Maaaring umaasa ang North na marinig ang posibleng tulong na maibibigay ng US para sa sitwasyon, na maari sigurong makatulong sa North Korea. Sa halip, tila nakatuon ang atensiyon ng US sa kung ano ang dapat gawin ng North Korea upang tuluyang tanggalin ang nukleyar na armas nito.
Sa Tokyo, idineklara ng US at Japan ang paninindigan nitong patawan ng United Nations economic sanctions ang North Korea hanggat hindi nito itinitigil ang programang nukleyar at missile.
Sa kabila ng lahat ng negatibong resulta na lumabas matapos ang usapang pangkapayapaan, umaasa tayong mananaig ang lamig ng ulo at mas makatwiran at makabuluhang pahayag ang ilalabas ng magkabilang panig at maging ng mga bansang nakaugnay dito. Higit sa mga hinihingi, umaasa tayo na marinig ang mas makabuluhang mungkahi. At kapwa ‘di umaasang mananalo sa diskusyon.
Ang harapang pagpupulong noong Hunyo 12 nina Pangulong trump at Kim Jong-Un ay nagpataas ng pag-asa para sa kapayapaan upang wakasan ang dekadang digmaan na nagpapatuloy hanggang ngayon sa kabila ng pagtatapos ng Korean War noong 1953. Bago kay Trump, nakipagpulong si Kim kay South Korean President Moon Jae-In sa isang taus-pusong pakikipagkita sa bahagi ng Demilitarized Zone, na naghihiwalay sa dalawang Korea, noong Mayo 26.
Ang mataas na pag-asang idinulot ng dalawang pagpupulong ng mga pinuno at hindi dapat mawalan ng saysay dahil sa diskusyong naganap sa pagitan ng mga opisyal nito hinggil sa mga detalye ng kasunduan na inaabangan ng buong mundo, kabilang ang Pilipinas.