SA kasalukuyang kampanya kontra droga ni Pangulong Duterte at ng humahabang listahan ng mga drug protector, drug lords, at mga pulitikong “tumitira”, kasama sa pormula para masawata ito ang pagsasailalim sa mandatory drug testing ng mga lokal na opisyal. Ibig sabihin ang mga SK chairman at mga kagawad, mga opisyal ng barangay, alakalde, gobernador, mga bise nila at ang kanilang sanggunian ay dapat na magpa-drug test.
Ang Department of Interior and Local Government DILG ang maaaring maglabas ng kautusan na tumatakda sa naturang patakaran sa nasasakupan nitong mga pulitiko. Maaaring maging magastos ang nasabing panukala, subalit kailangan ito batay sa hamon ng panahon at lumalalang antas ng droga sa bansa.
Ilang araw lamang nakalilipas, may nakausap akong dating Undersecretary ng Dangerous Drugs Board (DDB). Nabigla ako sa kanyang isiniwalat tungkol sa isang dating senador na sumisinghot ng cocaine. Kilala ko pa naman ang nasabing mambabatas at abogado. Galing sa kilalang angkan ang kanyang apelyido. Ang nakagigimbal ay noong magwagi si Mayor Duterte bilang bagong Pangulo ng bansa, bumiyahe at pumila pa ito sa Davao. Kahit 2:00 ng umaga ay nagtiyaga itong maghintay para lang makausap si Digong. Nagbaka-sakali itong mabiyayaan ng posisyon.
Ang magandang tanong ay, may mga congressman kaya o senador sa kasalukuyan na ikinukubling bawal na bisyo? May sit-sit pa noon sa dating “dilaw” na kabanata, na sa Mataas na Kapulungan at sa Palasyo ay may gumagamit ng marijuana o at sumisinghot ng cocaine? Ang punto dito, kailangan paliitin ang mundo ng droga at ng mga durugista. Lalo na sa mga nakaluklok sa kapangyarihan.
‘Di ba nga serbisyo-publiko ang pananagutan ng isang halal o itinurong opisyal? Kaya sila ang dapat na manguna sa pagpapakita ng tamang halimbawa. Nandiyan pa ang tanong na dapat ay masagot nila: Sa tanang buhay nila, nakasubok na ba silang gumamit ng ipinagbabawal na gamot? Anong uri?
Baka matulala tayo sa resulta. Kailangan na talagang masimulan ang ganitong hakbangin na naglalayong maipakita at maihayag sa publiko kung sinoa ng totoo at seryosong naglilingkod sa bayan. Hindi, kailan man, ito dapat mahaluan ng kabulastugan sa droga. Maaari na ba itong simulan
-Erik Espina