INAASAHAN na ang pagbaba ng presyo ng mga gamot para sa sakit na diabetes at iba pang karamdaman na karaniwan sa matatanda kasabay ng pag-aalis ng Value Added Tax (VAT), na tiniyak ng opisyal ng Department of Finance (DOF) nitong Sabado, sa bayan ng La Trinidad sa Benguet.
“By January 2019, VAT-free na po and mga gamot para sa diabetes, high cholesterol, and hypertension,” pahayag ni DOF Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino II, sa harap ng daang-daang taga-Cordillera na dumalo sa paglulunsad ng programang “Biyaya ng Pagbabago” ng Office of Participatory Government, sa ilalim ng Office of the Cabinet Secretary, sa Benguet State University.
Ayon kay Lambino, ang mas murang gamot ay dulot ng pagpapatupad ng bagong Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na nagpapahintulot sa pamahalaan na mangolekta ng mas maraming buwis mula sa ibang produkto at serbisyo at mapondohan ang mas maraming programa para sa kalusugan, edukasyon, at tulong pinansiyal para sa mahihirap na mamamayan.
“The exemption on medicines, generally consumed and needed by the senior citizens, will be aided with the TRAIN collection,” paliwanag ni Lambino.
Giit pa ng opisyal, ang pagpapatupad ng bagong TRAIN Law ngayong 2018, ang magbibigay-daan para maisakatuparan ang programang “Build, Build, Build”, o ang malawakang pang-imprastrukturang pamumuhunan ng pamahalaan.
Aniya, nasa mahigit 93,000 trabaho ang malilikha sa ilalim ng programang “Build, Build, Build” sa bansa, at makatutulong upang mapondohan ang libreng pag-aaral sa kolehiyo sa mga state universities and colleges, mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga lehitimong may-ari ng mga pampublikong sasakyan, at matulungan ang libu-libong mahihirap na Pilipino.
Sinabi ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco na layunin ng “Biyaya ng Pagbabago” na maihatid sa mga pinakanangangailangan ang mga programa at serbisyo ng administrasyong Duterte, na target na mapababa ang antas ng kahirapan sa bansa sa 14 na porsiyento, mula sa kasalukuyang 21%, pagsapit ng 2022.
PNA