Makaraang mangako ng “moratorium” sa mga birada niya laban sa Simbahang Katoliko, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lider ng Simbahan na iwasang gamitin ang pulpit, o ang panahon ng pagsesermon sa misa, upang batikusin ang kanyang administrasyon.
Nabatid na personal itong inilahad ni Duterte nang makipagpulong siya kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles sa Malacañang nitong Lunes ng hapon.
“One of the things that the President did mention was given that there is separation of church and state, huwag naman sanang gamitin ang pulpito para batikusin iyong kanyang administrasyon,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press conference sa Cavite.
“Tinatanggap niya ang mga batikos, ang mga pula ng mga ordinaryong mamamayan. Pero kung pupuwede ay huwag sanang manggaling doon sa pulpit, at huwag manggaling sa Simbahan mismo iyong pagbabatikos sa kanya, dahil mayroon nga tayong paghihiwalay ng Simbahan at ng estado,” paliwanag ni Roque.
Kaugnay nito, hinikayat nitong Lunes ng gabi ng CBCP ang mga mananampalataya na makiisa sa tatlong araw na pananalangin at pag-aayuno para sa mga taong lumapastangan sa pangalan ng Panginoon.
Ito ay kasunod ng pagtawag ni Pangulong Duterte ng “stupid” sa Diyos, at pambabatikos sa mga pari, kabilang ang mga pinaslang kamakailan.
Sa pastoral exhortation na inilabas ng CBCP sa pagtatapos ng 117th Plenary Assembly nito noong Lunes, at pirmado ni Archbishop Valles, nabatid na isasagawa ang three day of prayer ang fasting sa Hulyo 17-19, Martes hanggang Huwebes, pagkatapos ng kapistahan ng Blessed Mother of Mt. Carmel sa Lunes.
Layunin ng pananalangin at pag-aayuno na humingi ng habag at hustisya para sa mga taong lumapastangan sa banal na pangalan ng Diyos, gayundin sa kapatawaran ng mga naniniwala na tanging pagpatay ang paraan upang masugpo ang kriminalidad sa bansa.
-GENALYN D. KABILING at MARY ANN SANTIAGO