HUNYO 22 nang magkaroon ako ng pribelehiyong maimbita bilang panauhing pandangal sa 39th Commencement Exercises ng University of the Philippines Visayas, na idinaos sa napakaganda nitong campus sa Miagao, Iloilo.

Nais kong ibahagi ngayon sa inyo, sa mga mahal naming mambabasa, ang talumpating inilahad ko sa 840 nagtapo (kabilang ang nag-iisang summa cum laude, 14 na magna cum laud, at 192 cum laude) sa UP Visayas, na handang-handa nang makibahagi sa paghubog sa kinabukasan ng ating bayan.

Ang pagtatapos ay parehong simbolo ng wakas at simula. Panahon ito ng pagninilay

sa mga naranasan at napagtagumpayan sa nakalipas na apat na taon dito sa University of the Philippines Visayas.

Pagkakataon din ito upang magpasalamat sa mga taong tumulong sa inyo upang maisakatuparan ang dakilang tagumpay na ito para sa inyong sarili. Pasalamatan ninyo ang inyong mga guro, na gaya ninyo ay nagsipagpuyat din sa pagwawasto sa inyong mga pagsusulit at pagbabasa ng inyong mga essay; gayundin ang mga nagbigay sa inyo ng mga makabuluhang payo hindi lamang sa larangan ng pag-aaral kundi maging sa aktuwal na pakikibaka sa buhay. Pasalamatan n’yo rin kahit ang mga gurong nagpahirap sa inyo, o silang nagbagsak sa inyo. Tinitiyak kong magiging mabuting tao kayo dahil sa nangyari. Sinasabi ngang ang pagdurusa ang pumapanday sa mabuting pagkatao.

Pasalamatan ninyo ang inyong mga mahal na magulang. Minsan ay nababalewala natin ang mga sakripisyo ng mga mahal sa buhay para sa atin, at huli na natin ito napagtatanto. Hindi biro ang paghihirap ng inyong mga magulang upang mapakain kayo nang maayos, silang nagbigay sa inyo ng tahanang masisilungan, at nagkaloob ng walang hanggang suporta upang matiyak na magiging maganda ang inyong kinabukasan.

Wakas at simula

Ang pagtatapos ay nagbibigay din sa inyo ng pagkakataon upang mapahalagahan ang mga alaalang binuo ninyo habang nag-aaral sa kolehiyo—ang mga kaalamang natutuhan, ang mga pagkakaibigang nabuo, at ang mga pag-ibig na nasumpungan at binitiwan. Ito ang mga alaalang lagi ninyong pasasalamatan habang kayo ay nagkakaedad at tuwing magbabalik-tanaw.

Para sa akin, may partikular na aral na hindi ko nalilimutan matapos kong magtapos sa University of the Philippines: Hindi masusukat ng kasalukuyang sitwasyon ng tao kung ano ang posibleng mangyari sa hinaharap.

Noong bata pa ako, umiikot lang ang mundo ko sa Tondo at Divisoria. Sa murang edad, tinutulungan ko na ang nanay ko sa pagbebenta ng hipon at isda sa Divisoria. Naaalala ko pa noong kailangan kong gumising ng madaling-araw, minsan kahit 1:00 pa lang ng umaga, dahil maglalakad lang kami mula sa aming bahay sa Tondo patungo sa Navotas o Divisoria.

Kaya naman nang ayain ako ng isang kaibigan na kumuha ng entrance examinations sa UP, labis akong natuwa sa pagkakataong mapalawak ang mundong ginagalawan ko. Manghang-mangha ako nang makita ko ang UP campus sa Diliman. Nagulat ako sa napakalawak na campus, pero mas mahalaga sa akin ang kagandahan ng luntiang paligid ng eskuwelahan. Ang napakaganda ninyong campus dito sa Miagao ay isang halimbawa nito.

Maniwala man kayo o hindi, ang impresyong iyon ay para bang natanim na sa aking pagkatao. Nang simulan ko ang pagtatayo ng Camella Homes, iginiit ko na lahat ng komunidad ay dapat na maraming puno at halaman. Kung tutuusin, ang pagkakataong iyon ang unang beses na napagtanto ko ang kagandahan ng kalikasan.

Alam n’yo na rin marahil na ang paggising nang madaling-araw para magtinda ng isda sa Divisoria ay makaaapekto sa aking pag-aaral. Minsan ay pagod at inaantok ako sa klase, at may mga pagkakataon ding nale-late ako, pero tinitiyak kong hindi ako lumiliban, at ginagawa ko ang lahat upang ihanda ang aking sarili sa mga aralin sa araw na iyon.

Naaalala ko pa noong sumasabit na lang ako sa jeep para makaabot sa klase ko. Buti hindi ako nakakatulog habang nakasabit sa jeep. Naaalala ko din noon na ang palagi kong baon ay dalawang piraso ng pandesal na may palamang mantikilya na may halong asukal, ‘pag sinusuwerte, peanut butter. Minsan, ibinibigay ko pa sa kaibigan ko ‘yung isa para hati kami.

Noong nasa high school ako, hindi ako nakadalo sa Junior-Senior Prom dahil wala kaming pambili ng Barong Tagalog. Noong nasa fourth year ako, nakahiram ang nanay ko, si Nanay Curing, ng Barong para sa akin kaya nakadalo ako sa aming JS prom, na ginanap sa campus quadrangle.

Subalit sa mga pagkakataong iyon na grabe ang dinaranas naming paghihirap, hindi ko kailanman kinaawaan ang sarili ko. Isa lang akong simpleng estudyante, subalit ipinagmamalaki ko ‘yun. Sa murang edad pa lang, sinasabi ko na sa sarili ko na kung magsisikap ako at magtitiyaga, mapagiginhawa ko ang aking buhay, gayundin ng aking pamilya. ‘Yan ang itinuro sa akin ng aking ina, na pinaigting pa ng uri ng edukasyong handog ng UP.

(Itutuloy)

-Manny Villar