SA huling bahagi ng nakaraang buwan, Hunyo, inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang ulat tungkol sa paglobo ng inflation rate sa bahaging ito ng taon sa 5.2 porsiyento, ang pinakamataas sa nakalipas na limang taon. Nahigitan nito ang inaasahan ng Banko Sentral ng Pilipinas na 4.3% hanggang 5.1%. Mas mataas din ito sa inaasahan ng Department of Finance na 4.9%. At lalong mas mataas sa prediksiyon ng mga ekonomista na 4.8%. Sinabi ng PSA na ang pagkain at mga inuming hindi alak ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas ng presyo sa 6.1%.
“Inflation” ang terminong ginagamit ng mga ekonomista. Para sa mga ordinaryong tao, tulad ng mga nagtatrabaho sa opisina at mga ina na nagpupunta sa palengke, ito ay simpleng “pagtaas ng presyo.” Bago pa mailabas ng mga ekonomista ang kanilang pagtataya, una nang naramdaman ng mga ginang ang epekto ng pagtaas ng presyo sa kanilang pamimili. Nagsimula na ring madagdagan ng piso ang pasahe sa mga jeep.
Nasa 5.2% ang kabuuang pagtaas sa bansa base sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority. Sa 16 na rehiyon sa bansa, ayon sa PSA, naitala sa rehiyon ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) ang pinakamataas na inflation rate—nasa 7.7%--sa rehiyong binubuo ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi. Ang lungsod ng Marawi, na hindi pa nakakabangon mula sa limang-buwang digmaan dulot ng rebeldeng Maute noong nakaraang taon, ay nasa Lanao del Sur. Nadagdagan pa ngayon ng inflation ang mga problemang kinakaharap ng mga residente ng Marawi.
Sa pagsusuri sa mataas na inflation rate, sinabi ng PSA na dulot ito ng mas mabilis na pagtaas ng presyo sa pagkain, gasolina at transportasyon, gayundin ang ibang panglabas na dahilan, tulad ng pandaigdigang presyo ng langis at pagbaba ng halaga ng piso. Partikular din dito ang pag-akyat ng presyo ng alak at sigarilyo sa 20.8%.
“We remain hopeful that inflation is kept at bay and will taper off by year-end,” pahayag ni Socioeonomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia. “We expect inflation to peak in the third quarter and taper off by October.” Sa sariling pagtataya ni Pernia, maaasahan nating patuloy pang tataas ang presyo hanggang sa ikatlong bahagi ng taon— o sa Setyembre—bago ang inaasahang unti-unting paghupa ng presyo.
Isinisi ng ilang miyembro ng Senado sa ipinatupad na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin. “Our economic managers should be flexible. They cannot afford to be hard- headed… and insist that they did nothing wrong,” ayon kay Sen. Panfilo Lacson. Idinagdag naman ng kapwa senador na si Sen. Paolo “Bam” Aquino na “In just one year, the country’s inflation rate doubled but the government refuses to bend on the TRAIN Law.”
Iginiit ng mga tagapamahalang pang-ekonomiya ng pamahalaan na ang nararanasang inflation ay dahil umano sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at sa paghina ng piso ng Pilipinas, ngunit isinisisi ng maraming ekonomista ang pagtaas ng presyo sa dagdag na buwis sa ilalim ng TRAIN, partikular ang pag-iral ng taripa sa diesel, na wala naman dati. Diesel ang ginagamit at kailangan sa pagluluwas ng lahat ng produkto, gayundin sa pagpapatakbo ng mga pampasaherong bus at tren, at maging ang operasyon ng maraming planta ng kuryente.
Baka kailanganin nating mabuhay kasama ng pagtaas ng presyo para sa susunod pang ilang buwan. Ang inaasahang paghupa ng presyo, ayon sa taya ni Secretary Pernia, ay sa Setyembre pa. Umaasa tayo na hindi na lubusan pang lalala ang problema para na rin sa kapakanan ng mahihirap na sektor na siyang matinding natatamaan ng pagtaas ng presyo. Hindi ito nararapat na payagan ng mga tagapamahalang pang-ekonomiya ng pamahalaan at dapat na maisagawa nila ang mga kinakailangang hakbang, kabilang ang pansamantalang pagpapahinto ng taripa sa diesel.