NAGKAGULATAN ang lahat ng taong nasa loob ng The Theater at Solaire sa katatapos na 2nd EDDYS Award ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), dahil tatlo ang nanalo sa kategoryang Best Supporting Actress: sina Angeli Bayani (Maestra), Chai Fonacier (Respeto), at Therese Malvar (Ilawod).

Maging ang presenters na sina JC Santos at Bea Rose Santiago ay nagulat din at napabulalas ng, “We have three winners!”

At nakita rin naming nagkatinginan ang ilang SPEEd members sa narinig nila, dahil wala rin silang alam kung sino ang mga nanalo.

Ayon sa narinig naming kabuuang kuwento: “Grabe, bulagaan talaga ito, ‘no?! Hindi mo talaga alam kung sino ang mananalo.”

Tsika at Intriga

Habang si Maris namundok: Anthony, pumarty kasama ang Incognito stars

Wala kasing deliberation na nangyari sa mga editor bago sila bumoto, kaya sila mismo ay nagugulat sa resulta ng mga nanalo.

May nagtanong nga kung dapat bang magkaroon sila ng deliberation bago bumoto, pero kaagad itong tinanggihan ng isang editor.

“Mas magandang wala na lang para hindi maimpluwensiyahan ang bawat isa ng mga sasabihin. Okay na ito, mabubulaga ka na lang talaga,” ang sabi.

Aliw ang EDDYS Award, sila ang nagpauso ng ‘Triple Tie’ sa iisang kategorya. Dinaig ang lahat ng award-giving bodies sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Nagkatawanan naman ang lahat sa thank you speech ni Chai: “I’m here to fetch my own award now!” Ilang beses kasi siyang umakyat sa entablado para tanggapin ang mga tropeong hinakot ng pelikulang Respeto.

Sobrang mahalaga naman kay Angeli ang natanggap niyang award para sa Maestra.

“Higit na pasasalamat sa lahat ng maestra. Sa lahat po ng taong nagiging pangalawang ina ng lahat sa nagsisilbing inspirasyon po sa labas ng ating mga tahanan. Gusto ko lang din pong i-share na kaya mahalaga at memorable rin po sa akin ito dahil ang nanay ko po ay isang guro. Kaya mabuhay po ang lahat ng maestra,” sabi ni Angeli.

Abut-abot naman ang pasalamat ni Therese sa direktor niyang si Dan Villegas. “I would like to thank Direk Dan Villegas for guiding me in doing Ilawod. Hanggang ngayon iyon pa rin ang pinaka-challenging role na ginawa ko. Thank you to Ilawod team, thank you Lord, and to my family,” aniya.

Anyway, nagpaka-Oscars naman ang The EDDYS dahil Best Supporting Actor kaagad ang unang ibinigay, na pinanalunan ni Dido De la Paz, para sa Respeto.

Narinig naming kuwento na dapat sana ay ia-admit sa hospital si Mr. Dido, pero idinelay muna niya. Gusto niya kasing dumalo sa nasabing awards night, at hindi naman siya nabigo.

“I was so blessed by my God who is not stupid,” parunggit niya, na umani ng tawanan.

Best Actor si Aga Muhlach (Seven Sundays), na hindi nagawang personal na tanggapin ang kanyang award. Best actress naman si Mary Joy Apostol para sa Birdshot—na nanalo ring Best Film at Best Director para kay Mikhail Red.

Ang ganda ng pagkakakanta ni Noel Cabangon sa Ang Buhay Nga Naman, habang ipina-flash sa screen ang mga katoto at personalidad na sumakabilang-buhay na.

First time rin ng EDDYS na magbigay ng recognition awards para sa Rising Producers Circle na sina Ms Veronique del Rosario (Viva Films), at Ms Roselle Monteverde (Regal Films).

“We at EDDYS and SPEEd thought it proper to recognize the so called engines of the film industry,” sabi ni SPEED consultant, Nestor Cuartero.

Dinugtungan naman ito ni Film Development Council Chairperson Liza Diño: “And I’d like to grab this opportunity to thank EDDYS, kasi kayo lang yata ang nagbibigay ng parangal sa mga producers natin. Now more than ever, kailangan natin i-appreciate ang efforts nila, kasi normally ang direktor ang nabibigyan ng efforts, but they’re the ones behind every films that is made and they’re the ones making it happen. And salamat for this opportunity to give recognition to our producers. SPEED and FDCP appreciate the tireless effort of film producers whether mainstream or indie that keeps our industry alive.”

Kinilala rin si Boss Vincent del Rosario Jr. bilang EDDYS Movie Producer of the Year.

Sina ex-Senator Jinggoy Estrada at SPEEd President Ian Fariñas naman ang presenters sa pagbibigay ng parangal sa Film Icon Tribute awardees na sina Maricel Soriano, Charo Santos-Concio, Nora Aunor, Susan Roces, Eddie Garcia, at Gloria Romero.

Palakasan naman ng hiyawan ng supporters sina Maricel at Nora na halos wala ka nang marinig sa mga sinasabi nila.

Hindi naman nakarating si Ms Susan, dahil may taping siya ng FPJ’s Ang Probinsiyano, habang may prior commitment naman si Ms Gloria.

Samantala, gandang-ganda kami sa 2nd EDDYS awards night dahil mala-Hollywood ang dating. Ang ganda ng pagkakadirek ni Paolo Valenciano. Gustung-gusto namin ang entablado na para kaming nanonood ng pelikulang 3D, very millennial.

Napansin lang namin na ‘tila walang floor director para i-guide ang mga nanalo. Hindi alam kung saan sila baba. Higit sa lahat, may ilang tumanggap ng special prize awards, tulad ng Stars of the Night, na pinanalunan nina David Licauco at Andrea Torres; at sina JC Santos at Sanya Lopez bilang Best Dressed Celebrities, na hindi man lang nagpasalamat dahil bumaba kaagad sila.

Ang 2nd EDDYS awards ay produced ng Wish 107.5 FM and presented by Globe Studios in cooperation with Film Development Council of the Philippines.

Ang kumpletong listahan ng mga nanalo:

Best Actor - Aga Muhlach (Seven Sundays, Star Cinema)

Best Actress - Mary Joy Apostol (Birdshot, TBA Studios/Pamela Reyes)

Best Supporting Actor - Dido de la Paz (Respeto, Monster Jimenez/Cinemalaya)

Best Supporting Actress - Angeli Bayani (Maestra, Carl Balita), Chai Fonacier (Respeto), Therese Malvar (Ilawod, Quantum Films)

Best Film – Birdshot

Best Director: Mikhail Red (Birdshot)

Best Screenplay - Eric Cabahug (Deadma Walking, T-Rex Films/Vanessa de Leon)

Best Cinematography - Mycko David (Birdshot)

Best Visual Effects - Ang Panday (CCM Film Production/Viva Films/Star Cinema)

Best Musical Score - Jay Durias (Respeto)

Best Production Design - Gino Gonzales (Ang Larawan, Girlie Rodis/Celeste Legaspi)

Best Sound Design - Corinne De San Jose (Respeto)

Best Editing - Marya Ignacio (Kita-Kita, Spring Films)

Best Original Theme Song – Abra at Loonie (Jay Durias, Respeto)

Special Awards

Joe Quirino Award - Mario Hernando (posthumous)Manny Pichel Award - Ricky Lo (Entertainment editor, Philippine Star) Direk Maryo J. de los Reyes (posthumous) Tribute Award mula sa SPEEd

-REGGEE BONOAN